ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Kalagayan ng mga siklista sa Pilipinas, tatalakayin sa 'Reel Time'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Date of Airing: February 14, 2016

 

Tinatayang isa hanggang dalawang siklista ang namamatay kada buwan sa Metro Manila. Ito ay ayon sa tala ng Families of Road Victims and Survivors Philippines, base sa ulat ng Metro Manila Development Authority. Mula 2005 hanggang 2014, 196 tao na umano ang namamatay sanhi ng aksidente sa bisikleta. Nasa 12,018 naman ang kabuuang bilang ng bike crashes. Nasa 7,464 rito ang nabalda o naputulan ng isang bahagi ng katawan.

Sa Pilipinas, walang ispisipikong batas na pumuprotekta sa mga siklista. Kapag may aksidente na kinasangkutan ang isang nagbibisikleta, karaniwan na silang tinatakbuhan ng mga nakakabangga sa kanila o nauuwi na lang sa areglo ang mga kaso.

Si Eddie Azuela, 55 anyos, isang mensahero. Hindi alintana ang mga panganib sa daan upang makapaghanapbuhay. Gamit ang kaniyang lumang bisikleta, binabagtas niya ang mga kalsada ng Quezon City at San Juan upang makapaghatid ng mga sulat at bill ng telepono. Mula Novaliches, nakakaabot si Mang Eddie sa Cubao at San Juan gamit ang kaniyang bisikleta. Malaking tipid daw kasi ang paggamit ng bisikleta dahil hindi na siya kailangang mamasahe o maggasolina. Kaya lang, tila pakikipagpatintero rin daw talaga kay kamatayan ang pagbibisikleta dahil sa sikip ng kalye, sa dami ng mga sasakyan, sa kawalan ng disiplina ng mga motorista, at kawalan ng bike lane na kaniyang madadaanan. Ilang beses na rin daw siyang nasasagi ng mga jeep at ilang pribadong sasakyan pero mapalad nga lang daw siyang talaga dahil puro galos at sugat pa lang ang inaabot niya.

Ngunit hindi lahat ay kasing suwerte ni Eddie. Kamakailan lang, dalawang siklista ang binawian ng buhay sanhi ng aksidente sa kalsada. Lahat sila, naiwan ang kanilang mga batang-bata pang anak at pamilya.

Mangyayari pa nga kayang maging ganap na ligtas ang mga kalsada sa bansa upang magkaroon ng puwang ang may 13 milyong siklista sa Pilipinas? Alamin ngayong Linggo, Pebrero 14, sa Reel Time Presents Pedal, ika-9 ng gabi sa GMA News TV.

Tags: prstory