ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
Pangunahing sangkap sa paggawa ng tsokolate, titikman sa 'Reel Time'
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

REEL TIME presents
CACAO
July 30, 2016
Sabado, 9:15 PM
GMA News TV 11
Paubos na raw ang suplay ng tsokolate sa mundo! Pagsapit daw kasi ng taong 2020, magkakaroon ng kakulangan ng cacao, ang pangunahing sangkap ng tsokolate.
Mahigit 70% ng mga cacao sa buong mundo ang nagmumula sa Africa. Pero dahil sa patuloy na pagbaba ng produksyon nila ng cacao dahil sa mga peste at digmaan, naghahanap na ng ibang mapagkukunan ang chocolate makers ng mundo.

Ang cacao ay isang equatorial crop na nabubuhay lang sa mga lugar malapit sa equator - tulad ng Pilipinas.
Dalawang siglo bago pa man ipanganak sina Jose Rizal at Andres Bonifacio, nasa mapa na tayo ng cacao producers sa mundo. Nauna tayo sa pagtatanim ng cacao at pag-inom ng tsokolate. Dala ng mga Kastila mula sa Acapulco, sa Pilipinas unang itinanim ang cacao sa labas ng Mexico kung saan ito unang nagmula.
Pero sabi nga, "Life is like a box of chocolates. You never know what you're gonna get." Kung nauna man tayong magtanim noon, tuldok na lang tayo sa mapa ngayon. Wala pa kasi sa 1% ang napoprodyus na cacao beans ng Pilipinas kung ikukumpara sa demand para rito.
Para naman sa mga mga magsasaka ng cacao sa Davao, ang Cacao Capital ng Pilipinas, tunay na may tamis sa kabila ng pait. Itinanghal kasi kamakailan ang kanilang tsokolate bilang isa sa mga pinakamasarap sa buong mundo. Marami sa mga Pilipino, imported na tsokolate ang paborito pero ang hindi nila alam sa Davao kinukuha ang cacao na pangunahing sangkap nito.
Ngayong muli nating nakuha ang atensyon at panlasa ng mundo, makabalik na kaya ang ating cacao sa mapa?
Sino nga ba ang may ayaw sa tsokolate? Ngayong Sabado sa Reel Time, magsasawa ka. Kilalanin ang bagong 'ginto' ng mga pananim. Reel Time presents CACAO, Sabado, 9:15pm sa GMA News TV Channel 11.
More Videos
Most Popular