Sikretong paghihimlay kay Marcos sa LNMB, ngayong Sabado sa 'Reel Time'
_2016_11_26_05_32_48.jpg)
REEL TIME presents
LIBINGAN
November 26, 2016
Sabado 9:15 pm
GMA News TV 11
"Matakot sa kasaysayan pagka’t walang lihim na 'di nahahayag."
– Gregoria de Jesus, Lakambini ng Katipunan
Isang palihim at pribadong seremonya ang isinagawa sa paghihimlay sa dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Para sa kanyang pamilya at mga taga-suporta, pagbubunyi ito sa kanyang alaala. Insulto naman ito para sa sambayanang nagpatalsik sa kanya.
Hindi bayani si Marcos.
Ngunit ayon sa Pangulo at Korte Suprema, hindi naman daw kailangan maging bayani para mailibing sa Himlayan. Sapat na raw ang pagiging isang sundalo at dating pangulo para mabigyan siya ng karangalang ito.
Pero para kay Bella Lola, mabuti pa raw ang mga Marcos, may maayos na libingan at naparangalan.
Kabilang si Bella at kanyang asawa sa mga lumaban noon sa diktadura. Nadakip at naging biktima ang kanyang asawa ng torture noong panahon ng Batas Militar. Pero hindi tulad ngayon ni Marcos, ang mga labi ng kanyang asawa, isang dekada nang walang maayos na puntod. Dahil sa kawalan ng pambayad sa upa, inalis ang mga buto ng kanyang asawa sa nirerentahang 'apartment’ sa sementeryo. Inaasahan niya sanang ipampalibing ang matagal nang hinihinging kabayaran para sa human rights victims noong Martial Law. Kinamatayan na rin ng kanyang asawa ang paghihintay sa kompensasyong ito, sa tuluyang pagbawi ng mga nakaw na yaman.
Tinuldukan ng libing na ito ang halos tatlong dekadang paghinintay ng mga Marcos. Hindi tulad ng mga desaparecidos o mga winala noong Martial Law na patuloy pa ring naghihintay, naghahanap sa mga mahal nila sa buhay. Paano nga ba magluluksa kung walang labing ililibing?
'National healing' daw ang nais idulot ng paglilibing sa diktador pero pagkakawatak-watak ang idinulot nito sa hanay ng mamamayan. At para sa mga biktima ng Batas Militar na pinamunuan ni Marcos, muli nitong sinariwa ang mga sugat na hindi pa rin naghihilom.
Giit ng ilan, "Forgive and forget." Kasabay nga ba dapat ilibing sa lupa o ibaon sa limot ang katotohanan, katuwiran, at katarungan?
Ngayong Sabado sa Reel Time, tunghayan ang mga kuwento at karanasan kung bakit nga ba mahirap ang mag-'move on'. Inihahandog ng Reel Time ang "Libingan" ngayong Sabado 9:15pm sa GMA News TV 11.