Pamilyang lugmok sa malnutrisyon, kilalanin sa 'Reel Time'
_2017_07_12_16_14_57.png)
Reel Time presents
UHA NG MGA GUTOM (Cries of the Indigent)
Biyayang maituturing ang pagkakaroon ng anak pero para sa pamilya Acunin sa Vinzonz, Camarines Norte, ang biyayang ito may kadikit na kalbaryo. Doble-kayod ang mag-asawang sina Sonia at Pablo para buhayin ang kanilang siyam na anak lalo na’t ang kanilang bunsong anak na si Roel --- kakaiba ang kondisyon. Ang bunso kasi ng pamilya Acunin kabilang sa pitong milyong malnourished na mga Pilipino o yung mga kulang sa timbang at sustansiya sa katawan.
Dalawang taon na si Roel pero hindi pa nito nagagawang makalakad o makagapang man lang. Mahina rin daw nag tuhod ng bata at ang nakakabahala, halos buto’t balat na ang katawan nito --- walang laman at malayong-malayo sa mga kaedad nito. Ang mas masaklap pa, tumitimbang lang si Roel ng halos apat na kilo.
Kasimbigat lang niya ang halos dalawang buwang sanggol, dahilan para madali siyang kapitan ng mga karamdaman.
Salat kasi ang pamilya Acunin. Si Mang Pablo umaasa lang sa pagpapala ng mga damuhan sa bukid samantalang si Aling Sonia naman, paggawa ng pawid ang pinagkakabuhayan. Ang kita ng pamilya, pumapalo lang sa humigit-kumulang apat na libong piso kada buwan. Kulang na kulang upang punan ang kumakalam na sikmura ng kanyang mga anak. Hindi rin sapat ang halagang ito para bigyan ng gatas at bitamina ang bunsong si Roel.
Ano nga kaya ang tunay na kondisyon ng batang si Roel? At anu-ano rin rin ang tunay na iniiyak ng isang pamilyang hikahos?
Pakinggan ang kanilang kuwento sa Reel Time presents Uha ng mga Gutom, July 15, Sabado, 9:15pm sa GMA News TV 11.
- KVD