Rescue efforts para sa mga aso't pusa, tampok sa 'Reel Time'

Reel Time presents
SAGIP (Rescue)
Ang mga aso raw ang man’s bestfriend. Habang ang mga pusa naman daw ang ating mga boss. Pero sa kabila nito, bakit nga ba may tinatayang 2.7 milyong aso at pusa ang pinapatay sa buong mundo taun-taon dahil sa mga siksikang animal shelter at sa kakulangan ng mga adoptive home?
Sa Pilipinas, isa sa bawat walong Pilipino raw ang may alagang aso. Tinagurian na nga ang Pilipinas bilang “Dog Capital of East Asia” at isa sa sampung bansa na may pinakamaraming aso sa buong mundo. Pero makikita mo sa social media na halos linggu-linggo ay may mga kuwento ng pananakit, pang-aabuso, at pag-abandona sa mga aso at pusa.
Sa gitna ng mga pagmamalupit na ito, maraming tao rin naman ang handang tumulong sa mga kaawa-awang hayop.
Sa Cavite, isang aso ang pinabayaang lumaki nang nakatali ang leeg sa kadena. Paglipas ng panahon, sumikip ang pagkakatali ng kadena at nasugat ang leeg ng aso. ‘Di kalaunan, lumaki at lumalim ang sugat hanggang sa nakabaon na ang kadena sa sugat. Nakita ni Nilphe ang kapabayaang ito at walang pagdadalawang-isip na tinulungan ang aso.
Isang aso at limang kuting naman ang inabandona na rin sa isang bakanteng lote sa Novaliches. Ilang araw na silang walang kinakain nang makita sila ni Carding na nagkusang-loob na bigyan sila ng makakain araw-araw.
Ngunit hindi kakayanin nina Nilphe at Carding ang pagpapagamot kaya sinubukan nilang humingi ng tulong sa social media. Sa kasalukuyan, marami ng grupo sa social media ang nagiging kanlungan ng mga animal lover sa Pilipinas. Dito, nagsi-share sila ng mga magaganda at masasayang larawan ng mga hayop at nagbibigay ng mga payo sa mga kapuwa nila pet owner. Pero higit sa lahat, naging tila help desk na rin ito para sa mga hayop na nangangailangan ng tulong. Dito, nagsasama-sama ang mga netizen upang pangalagaan ang mga karapatan ng mga aso at pusang napagmalupitan. Ang mga komunidad na ito sa social media ay naging makabagong bayanihan para sa mga aso at pusa sa bansa.
Ito na nga ba ang pag-asa ng ating mga tinaguriang furry friends? Ito na nga ba ang solusyon upang lubos na maprotektahan ang mga aso at pusa mula sa mga pang-aabuso? Hanggang saan ang kayang gawin ng ilang mga Pilipino upang sagipin ang mga pinakamamahal nilang mga hayop?
Ngayong Sabado, Hulyo 22, 9:15 ng gabi, sama-sama nating kilalanin ang ilan nating mga kababayan at ang kanilang mga rescue sa Reel Time Presents Sagip sa GMA News TV. - /KVD