Sanya Lopez at Rocco Nacino, bibida sa 'Wagas' ngayong Sabado

"Na-aagnas man ang mukha. Maaring masira ang korte ng ilong, o tabas ng pisngi. Hindi ma-aagnas kailanman, ang tunay na pag-ibig.”

Nahulog ang loob ni Marivic sa kaguwapuhan ni Gilbert nang una silang magkita sa construction site kung saan nagtatrabaho ang lalake. Mula sa mga sulat-sulat sa tissue paper, nakuha ni Gilbert ang matamis na ‘oo’ ng dalaga. Hindi daw pinapatagal ang panliligaw, kundi ang relasyon mismo kung kaya’t agad na inayos ni Gilbert ang kanilang kasal sa Tarlac. Ipinangako niya kay Marivic na pagsisilbihan niya ito at mamahalin habang buhay. Ngunit sa simpleng pagkaskas sa maliit na nunal sa mukha ni Gilbert nang minsang nagpagupit siya sa barberya, masusubukan ang kanilang pagsasama.

Unti-unting lumaki ang sugat, naimpeksyon dala ng Necrotizing Fasciitis (Flesh-Eating Bacteria), at mabilis na kumalat ang sugat sa mukha niya. Bagamat ang guwapong mukha ni Gilbert na minsang hinangaan ni Marivic ay unti-unti nang naaagnas, nagsilbi itong behikulo upang makita natin ang kakaibang mukha ng isang wagas na pag-ibig.
Tampok ang natatanging pagganap nina ROCCO NACINO at SANYA LOPEZ isang kwentong puno ng drama at kurot sa puso ang handog ng WAGAS ngayong Sabado 7PM sa GMANEWSTV.