Love story ng komedyanteng si Bentong, bibida sa 'Wagas'

Kung gaano ka-kwela ang komedyanteng si BENTONG --- singkwela at singtamis din ang kwento ng kanyang pag-ibig! Pero tulad ng mga eksena sa pelikula at telebisyon, hindi lahat ay puro masaya ang “script”… marami silang pinagdaanang pagsubok na lalong nagpatibay sa kanilang wagas na pag-iibigan.
Nagsimula bilang “set decorator” ang komedyanteng si BENTONG nang makilala niya si CECILE--- ang babaeng hindi niya inakalang mapapangasawa niya dahil ang una niyang niligawan ay ang kapatid nito. Sa dalas ng dalaw ni Bentong sa bahay nina Cecile, unti-unting nahulog ang loob nila isa’t isa. Nang minsang mahuli nang mga magulang ni Cecile na nakatulog sa loob ng bahay nila si Bentong, pinagkasundo na silang ipakasal. Ang unang “requirement” ng pamilya ni Cecile, magdala ng tatlong baboy si Bentong!
Nang sumabak na sa “buhay mag-asawa” sina Bentong at Cecile hindi lahat “comedy” ang kaganapan dahil sunod-sunod na pagsubok ang kanilang naranasan. Habang nasa rurok ng kasikatan si Bentong noon, nasalanta sila ng kalamidad at naubos lahat ng kanilang naipundar. Nang unti-unting makabangon at makabili ng bahay, nabiktima naman sila ng panloloko at naubos ang ipon ni Bentong. Dumating sa puntong, nagmamakaawa na si Bentong magkaroon lamang siya ng trabaho.
Pero sa kabila ng mga pagsubok, pinatunayan nina BENTONG at CECILE na walang unos ang kayang sumira sa kanilang pagsasama na binuo sa pagtitiis, pagtiya-tiyaga at pagmamahalan para sa isa’t isa.
Tampok si PEKTO bilang si Bentong at si GWEN ZAMORA bilang si Cecile-- handog ng WAGAS ang kwentong ito na magpapatawa at magbibigay inspirasyon ngayong Sabado 7PM sa GMA News TV-11.