Solenn Heussaff at Ryan Yllana, bibida sa pamaskong handog ng 'Wagas'

Ang love story ni Santa Claus mabubuking na! Ngayong Sabado sa Christmas Special ng WAGAS , makikilala natin ang isang real-life Santa Claus at ikukwento niya kung paano niya natagpuan ang kanyang Mrs. Santa tampok sina SOLENN HEUSAFF at RYAN YLLANA!
Graduate ng Veterinary Medicine si Robert a.k.a “Santa Claus” samantalang bank teller naman si Chona a.k.a “Mrs. Santa”. Dahil sa kani-kaniyang karera, napag-iwanan sila pareho ng biyahe, sa edad na 38 pareho silang single pa! Mula sa isang ‘8 year relationship’ si Robert na nauwi sa hiwalayan. At nang wini-withdraw niya sa bangko ang dapat sana’y inipon niya para sa nasawing pag-ibig… ma-la-’love at first sight ‘ siya sa maganda at sexy pero pihikan na teller!
Wala nang mahabang ligawan. Direchahan si Robert. Tulad ng 12 Days of Christmas, binigyan ni Robert ng 12 Days si Chona para mag-isip kung gusto niya bang maging bahagi ng kanyang buhay. At pagkatapos ng 12 Days, nagpropose siya agad. Nagpakasal ang dalawa at nagkaroon ng dalawang anak. Sa eskwelahan kung saan nag-aaral ang kanilang bunso, nagsimula ang pagiging Santa Claus ni Robert. Minsang kinailangan ng Santa Claus para sa isang school event at para mapasaya ang anak at mga ka-klase nito, nagvolunteer si Robert.
Mula noon, sumikat at nakilala si Robert bilang isang real-life Santa Claus.
Pero hindi pala madali ang buhay Santa Claus. May mga panahon na sa mismong araw ng Pasko hindi niya kasama ang kanyang pamilya o minsan nama'y kahit malungkot ang kanyang puso, kailangan niyang maging masaya para sa mga bata. Sa kabila nito, hindi natinag ang suporta ni Mrs. Santa at mga anak nila para kay Santa dahil totoo nga namang ang tunay na diwa ng Pasko ay hindi para paligayahin ang kundi maghatid ng saya sa kapwa. 
Isang masaya, makulay at may kurot sa pusong kwento ang handog ng WAGAS ngayong nalalapit na Pasko tampok ang kwento ng wagas na pag-ibig ni Santa Claus na bibigyang buhay nina SOLENN HEUSAFF at RYAN YLANNA, 7PM Sabado sa GMANEWSTV!