The Great Luzon Adventure sa 'Weekend Getaway'
Ngayong Biyernes sa Weekend Getaway, muling babalikan ni Drew Arellano ang umaatikabong taon ng 2012 at ang mga maaksiyon, kamangha-mangha at di-makalilimutang travel adventures niya kasama ang mga weekend warriors sa pinakamalaking isla sa Pilipinas… ang Luzon! Ika-labimpitong pinakamalaking isla raw sa buong mundo ang Luzon kaya naman punong-puno ang itinerary ni Drew at ng mga warriors. Sa natural attractions pa lang, sulit na sulit na ang biyahe nila: mula Occalong Falls ng La Union at Kwebang Lampas ng Pagbilao, Quezon, hanggang sa Anawangin Cove sa Zambales at Minalungao National Park sa Nueva Ecija, tiyak na hindi mawawalan ng mapapasyalan ang sinumang biyahero. Hindi rin mauubusan ng extreme actiivties sa Luzon. Nariyan ang white water rafting sa Kalinga, 4 X 4 ride sa Pinatubo, giant swing ride sa La Union at surfing sa Baler. Siyempre, kapag Weekend Getaway ang pinag-usapan, hindi mawawala ang pagkain. Kaya naman babalikan din ni Drew ang masasarap at nakakagutom na pagkaing ipinagmamalaki ng Luzon tulad ng Halu-halo de Iloko ng La Union, Unoy Rice at Bugnay Wine ng Kalinga, at ang mga kakaibang exotic food ng Benguet. Hindi rin makakalimutan ni Drew at ng warriors ang kanilang cultural encounters. Sa Sagada, nakipagsabayan sila sa isang wedding ritual. Sa Zambales naman, nakipagsayawan sila sa mga katutubong Aeta. At sa Mindoro naman, nakisalamuha naman sila sa mga katutubong Mangyan. Balikan ang pagkain, kultura at tanawin ng Luzon sa Weekend Getaway, Biyernes, 10PM sa GMA News TV.