Dalagang naging biktima ng prustitusyon, tampok sa 'Wish Ko Lang'

Mula nang mag-asawa muli ang ina ni Sheena, ito na ang naging hudyat ng kalbaryo niya. Dalagita pa raw siya noon nang madalas siyang isama ng ama-amahan para mangahoy sa bundok, pero ang totoong pakay pala ay para mahalay siya. Naging madalas ang pang-aabusong ito pero hindi makapagsumbong si Sheena dahil sa tinatakot siya na sasaktan din ang kanyang ina kapag nabunyag ang ginagawa sa kanya. Kaya nang may nag-alok sa kanya ng trabaho bilang kasambahay, sinunggaban niya agad ito dahil pagkakataon na raw ito para makalaya siya sa sitwasyong ito.
Nang nagtatrabaho na, nalaman ni Sheena na nagbunga pala ang kahayupan ng ama-amahan niya, siya pala ay nagdadalantao. Mabait naman ang mga amo niya at tinulungan siya hanggang sa maisilang ang bata. Nais ni Sheena na mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak kaya nagpasya siya na maghanap ng ibang pagkakakitaan. Pinayagan naman siya ng mga amo niya pero kung gusto niya raw ay iwan na muna ang anak niya dahil batid nilang hindi niya matutukan ang pag-aaruga kung nagtatrabaho rin siya. Pumayag si Sheena sa mungkahi nila, ngunit ang magiging problema pala niya, hindi niya alam na ang pinasok niyang hanapbuhay ay may kinalaman pala sa prostitusyon. Paano kaya mababago pa ang kapalaran ni Sheena at muli pa kaya niyang makakasama ang anak niya?
Tunghayan sina Jak Roberto, Arianne Bautista, Shyr Valdez at Neil Ryan Sese para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.