OPINION: Ask Atty. Gaby: Sino ang mananagot sa kuryente incident?
Trigger warning! Sensitibong balita po ang pag-uusapan natin.
Isa na naman itong nakababahala at nakalulungkot na insidente sa paaralan.
Isang 14-anyos kasi ang nasawi nang madikit sa live wire sa loob ng paaralan sa Samal, Davao del Norte.
Pauwi na sana noon ang dalaga nang nadikit siya sa kable ng kuryente.
Matagal na raw ipinaabot ng mga magulang sa management ng paaralan ang pangamba na puwedeng idulot ng live wire.
Base sa police report, konektado ang live wire sa electric post ng isang pribadong kompanya pero kasalukuyang iniimbestigahan pa ang insidenteng ito ng School Division Office ng Samal, Davao del Norte.
Sino ang dapat managot sa insidenteng ito?
Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., ano ang sinasabi ng batas sa pangyayaring ito na sa loob ng paaralan nangyari mismo?
Malaki talaga ang responsibilidad ng mga paaralan habang ang mga bata ay nasa pangangalaga nila.
Ito ay dahil ang mga paaralan at administrators/teachers nila ay may special parental authority habang nasa poder nila ang mga bata — whether ito ay on-campus or off campus — basta during school hours, or school sanctioned activities.
Sa ayaw o sa gusto nila, may expectation talaga na ang mga paaralan, gagawin ang lahat para mapigilan ang anumang kapahamakan, pinsala, o pagkamatay ng isang estudyante.
Dahil sila ay in loco parentis or in the place of a parent habang ang mga estudyante ay nasa paaralan.
Hindi naman natin sinasabi na automatic na may pananagutan o liabilidad ang paaralan once na may nangyari sa mga estudyante – hindi naman insurer laban sa lahat ng peligro o risk ang schools –maliban na lang kung mapapatunayan na meron talaga silang kapabayaan.
So it's the usual rule – kapag may pagpapabaya, malamang may mananagot talaga.
Ano ba ang mga indikasyon na may kapabayaan? Halimbawa, hindi regular ang maintenance ng mga serbisyo sa school.
Mas grabe pa kung meron ng complaints na na-file or meron nang mga senyales na may mali, pero wala pa ring ginawa para ayusin ito. Mga indikasyon ng kapabayaan yan.
May pananagutan ba ang electric company? Ganu'n din. Kung dapat ay may ginawa sila, or hindi sila naging masusi sa pag-maintain at pag-check ng mga pasilidad nila na nakalagay sa school – or kung may nagsabi na may problema pero hindi sila nag-check at nag-service agad – ay naku talagang may pananagutan ang mga ito.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip.
Ask me, ask Atty. Gaby!