Mahirap maging anak ng OFW
Mabuhay po kayo! Matagal-tagal na rin po kaming sumusubaybay sa inyo rito sa Pinoy Abroad. Maraming salamat po at nagkaroon ng ganitong pagkakataon ang mga katulad naming nasa ibang bansa upang maipaabot namin ang aming mga saloobin sa ating mga kapwa OFW at sa mga kababayan natin sa Pilipinas. Bilang anak ng isang dating OFW sa Hong Kong, marami rin po akong naging karanasan na hindi masaya. Naroong mapabayaan kami ng Tatay ko na nalulong sa alak dahil marahil sa pangungulila sa aking Nanay na nasa HK. Natukso sa bisyong alak at paninigarilyo ang aking kapatid. Hindi siya nakapagtapos sa kolehiyo at maagang nakapag-asawa. Kung hindi siguro sa mga mapagmahal kong mga guro sa high school at suporta, payo at sustento ng mga kapatid ng Nanay ko, malamang hindi rin ako nakapagtapos at nakaabot sa kinalalagyan ko ngayon. Nakabibigla po na marami sa mga pananaliksik ng mismong mga "social scientist" natin (malamang dito ko po nabasa sa "website" nyo) ang nag-ulat ng mga karanasan kong ito at ng iba pang pamilyang nababalitaan kong may mga magulang ding OFW. Ang marami sa mga anak nila ay nalululong sa bisyo o kaya ay maagang nakakapag-asawa. Dala siguro ng kawalan ng magulang na masasandalan. Tandang tanda ko pa ang halos araw-araw na lungkot at pangungulila ng Tatay ko. Ni minsan ay hindi ko nagawang kausapin siya nang minsang mapingot at mapagalitan ako ng titser ko sa "elementary," at nang ma-"basted" ako sa "college." Sa kabila po nito at matapos akong mag-"tour" sa ilang eskuwelahan at makapagpalit-palit ng kurso, nakatapos din po ako at nakapag-take ng "board exam." Ngayon po ay isa na akong "professional" dito sa Bermuda kasama ng aking asawa at mga anak. May ilan din po akong tinanggihang "offers" dahil hindi ko makakasama ang aking pamilya. Alam ko po ang hirap nang paghihiwalay ng mga pamilya ng OFW. At lalong alam ko po, katulad ng masusugid na tagasubaybay ninyo rito sa Pinoy Abroad, na napakahirap pa rin ng buhay sa Pilipinas. Kaya pinagsumikapan ko pong makahanap ng oportunidad sa ibang bansa kung saan makakasama ko ang aking buong pamilya. Saludo po ako sa lahat ng mga OFW dito sa Bermuda na kinalalagyan ko ngayon at sa iba pa na nagkalat sa buong mundo. Saludo rin po ako sa mga pamilyang naiwan nila sa Pilipinas, sa mga kabiyak nilang nagtitiis at nangungulila. Hiling ko po para sa ating lahat ang ibayo pang pagpapala at lakas ng loob dahil alam kong kailangan natin ito. Tanging panalangin ko po na sana ay bumuti ang palakad ng pamahalaan sa Pilipinas upang hindi na natin kailanganing umalis. Matinag sana ang lahat ng mabubuti at matatalinong Pilipino sa Pilipinas at magising ang iba pa nating mga kababayan para maihalal sila sa pamahalaan. Kapag dumating ang araw na iyon, marahil ay hindi na tayo mangungulila, hindi na tayo magtitiis. - GMANews.TV Maraming salamat po, Tagabilang Bermuda, North America Kapusong Pinoy! Baka may maikling kwento ka dâyan, tula, awitin, litrato, at iba pang sariling katha tungkol sa iyong karanasan. Baka gusto mo itong ibahagi sa ating kababayan pamamagitan ng Kwentong Kapuso sa PinoyAbroad ng www.gmanews.tv. Hindi natin alam baka kapulutan pa ito ng aral ng iba nating Kapuso. O kaya ay magsilbi itong inspirasyon sa mga kababayan nating nasa ibang bansa at malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Hindi ba maganda âyon? âYan ang Serbisyong Totoo! Kaya, heto na ang pagkakataon na magkwento ka, magbahagi ng inyong pananaw o magpaabot ng iyong saloobin. Masaya, malungkot, tungkol sa tagumpay o kabiguan o kahit wala lang...makapag-kwento lang at magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Kaya ibalita na sa ating mga kababayan ang Kwentong Kapuso at mag-email sa Pinoyabroad@gmanews.tv. Lagi ring bisitahin ang ating website na www.gmanews.tv para sa mga sariwang balita, impormasyon at iba pa sa loob man o labas ng Pilipinas. Maraming salamat po mga Kapuso!