ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

OFW Journey (2)


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

(Karugtong) Sa loob kasi ng sampung taon ay iyon at iyon lang din ang ginagawa namin. Naisip ko na isa na naman itong hamon sa buhay ko kaya tinanggap ko na din. At nang tinuturuan kaming gumamit ng computer, minsan ay napapahiya ako dahil sa paggamit pa lang ng mouse. Kasi yong pointer ng mouse ‘di ko alam kung paano ikontrol nang una. Palibhasa nga wala akong alam sa computer noon. Hanggang sa pagtagal ng kanilang pagtuturo ay unti-unti ko na itong napag-aralan. Pero alam nyo ba na mahirap din pala ‘pag hindi ka college degree at nailipat ka ng medyo maayos na posisyon. Tapos ang mga kasamahan mo halos college level at ang iba mga licensed engineer pa. Samantalang ako vocational course na nga lang - undergraduate pa. Under observation pa kami nang time na ‘yon kasi mga Japanese ang adviser namin at supervisor. Nagsikap akong matuto, nagtatanong lagi ako sa mga kasamahan ko sa mga dapat kong gawin at tandaan sa bagong trabaho ko bilang cad operator. Kahit alam ko minsan parang naiinis na sila sa katatanong ko. Siguro iniisip nila na ‘bat tinanggap ko ang job na ito eh hindi pala ako marunong. Tiniis kong lahat ‘yon, sabi ko balang araw matuto rin ako hindi man kasing galing nila e kahit man lang papaano ay magampanan ko ‘yong bago kong trabaho. 3D design ang trabaho namin, gumagawa kami ng mga jig ng sasakyan na dino-drawing sa computer. Isa pang kagandahan ng pagpayag ko na maging cad operator ay ang tsansang maipadala kami sa Japan para magtraining. Ngunit hindi pala ganoon kadali ang pangarap naming ‘yon. Kasi doon na naman pumapasok ang palakasan sa manager para mapili ka. Isa pa ‘yong inatasang magturo sa amin mag- autocad ay hindi kami tinuruan ng maayos. Siguro nangangamba siya na baka ‘pag marunong na kami ay balewalain na siya ng management. Pero nagpapasalamat pa rin ako sa taong ‘yon dahil kahit papaano ay natuto ako sa autocad. Hindi naman ako kagalingan mag-autocad dahil sa totoo lang po ay marami pang dapat pag-aralan kung autocad ang pag-uusapan. Noong mag-aapat na taon na ako bilang cad operator ay may isang opportunity na dumating sa akin. May isa akong kasamahan na madalas mag-apply sa mga agency sa Maynila para sa pag-aabroad. Minsan may agency siyang naaplayan na ngangailangan ng autocad operator dito sa Dubai. Tinext niya ako kung gusto ko raw mag-apply dahil siya ay nakapag-hands on na at interview. Sabi ko baka ‘di ako pumasa kaya ‘di ko siya pinansin. Pina-text niya ang isang empleyado ng agency namin para alukin akong mag-exam. Nabuo sa isip ko na mag-try baka ka’ko palarin ako. Kaya kinabukasan nagpunta ako sa agency na mga Koreano pala ang magiging boss namin. Kaya medyo kinabahan ako kasi kung sakaling matuloy ako sa pag-aabroad, ‘di ko alam mga ugali nila at kultura. Last day na pala nang araw na ‘yon sa pagkuha ng exam dahil malalaman na rin sa araw na ‘yon kung sino ang papasa at hindi. Binigyan ako ng drawing ng vice president ng kumpanya na siya rin palang mag-iinterview nang araw na ‘yon. Tapusin ko raw ng 1 hour, gayahin ko lang daw ‘yong drawing. Sa totoo lang, wala akong idea kung ano ‘yong dino-drawing ko kasi hindi siya tulad sa trabaho ko. Nakaka-15 minutes pa lang ako na nagdo-drawing ay pinatigil agad ako ng kanyang assistant kaya kinabahan ako. Sabi ko patay! bagsak yata ako sa exam. Pero laking tuwa ko at pasasalamat kay Lord dahil mga bandang 11:00 am ay inanounce na kung sino ang mga pumasa at isa ako roon. Tuwang- tuwa talaga ako kasi halos ang mga kasabay ko ay talagang magagaling at matatagal na ang experience sa trabahong ito, ang iba nga e galing na sa abroad. Kasama ring pumasa ang kasamahan ko sa work na unang nag-apply kaysa sa akin. Pinag-medical agad kami para raw mabilis ang proseso, 900US dollars ang offer sa amin. Para sa iba maliit daw ang offer dahil mataas daw ang bayad kapag cad operator ka sa abroad. Pero para sa akin, okey na ‘yon kasi sa 14 years kong pagtatrabaho sa Pinas ay hindi ko pa kinita ang ganoong halaga sa loob ng isang buwan. At isa pa, libre naman ang pagkain at tirahan kaya malaki na para sa akin ‘yon bilang first timer mag-aabroad. Akala ko makakalis na agad kami ng kasama ko kasi nakapag-medical na kami. Naging Ok naman medical naming, mag-iisang buwan na mula nang kami’y na-medical ‘di pa rin kami tinatawagan kung kami ba ay makakaalis o hindi. Nawawalan na ako ng pag-asa nang oras na ‘yon. Sabi ko, baka ‘di ako matuloy sa abroad. (Itutuloy) - GMANews.TV CIRE11072008 ng Dubai OFW Journey (1) OFW Journey (3) Mga Kapusong Pinoy! Maraming salamat sa nagdaang taon ng ating kwentuhan. Maraming salamat sa inyong pagtitiwala at binuksan ang inyong buhay para ibahagi sa iba. Ang mga karanasan, saloobin, payo, at kung ano-ano pa na ibinahagi nyo sa Kwentong Kapuso ay nagbigay ng lakas ng loob, dagdag na kaalaman at pumawi ng kalungkutan sa marami nating kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay. Sana'y hindi kayo magsawa sa pagbisita sa ating pambansang website na GMANews.TV at silipin ang iba't-ibang bahagi nito lalo na ang Pinoy Abroad at OFW Station na sadyang nilikha para sa inyo. Muli ang papuri at pasasalamat ay ibinabalik namin sa inyo mga kababayan naming nagtitiis sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. At tulad ng nagdaang taon, hinding-hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man o milya-milya ang haba. Kahit ang laman ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kahit wala lang, dahil walang magawa. Hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo kami sa inyo mga mahal naming kababayang Pinoy sa abroad! Mabuhay kayo mga Kapuso!