ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Naudlot na mga pangarap


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kumusta po mga kababayan! Nais ko pong ibahagi sa inyo ang kwento ng mga kasamahan ko sa trabaho na pabalik na sa atin sa Pilipinas. Nagsimula ang kanilang pakikipagsapalaran dito sa Dubai noong October last year 2008. Limang kababayan natin ang dumating dito sa Dubai ay kasamahan ko lahat sa work bilang autocad operator. Pagdating nila, mababanaag mo na sa kanilang mga mukha ang tuwa, lungkot at kaba. Pero higit doon ay excitement ang nakita ko sa kanila. Siguro dahil halos lahat sila ay first timer na magtatrabaho sa abroad kagaya ko rin noon. Magkakaiba ang edad nila. Iyong pinaka-eldest ay 48 yrs.old na pero malakas pa rin at madami na ring experience in terms of work noong nasa pinas pa. Ang pinakabata naman ay 21-years- old pa lang. Masuwerte silang pareho kasi ‘yong isa nakapag-abroad pa rin kahit medyo may edad na. E di ba minsan ‘pag nag-aaplay tayo may age limit palagi. ‘Yong namang napakabata ay mapalad dahil sa edad nyang iyon ay nakapunta na siya Dubai. Madalas nga naming biruin ‘yong bata na baka pinabili lang siya ng mother niya ng suka at naligaw lang dito. Pero biro lang namin ‘yon. Iyong isa pa nga pala sa kanila ay gay. Noong unang dating niya ay hindi pa halatang gay siya. Pero nang tumagal ay bumigay na rin. Pero okey lang sa amin ang ganoon, ang mahalaga sa amin marunong silang makisamang lahat. Last year okey pa naman ang ekonomiya rito sa Dubai. Pero pagpasok ng January ay bigla itong bumagsak at hindi iyon lingid sa buong mundo. Sa mga panahon na nagkukwentuhan kaming magkakasama, naikwento nila sa akin ang mga pangarap nila kaya pumunta sila sa Dubai. Si Mr. M - iyong 48-years-old - na kasamahan ko ay gusto sana niyang makapag-take ng nursing board exam ang panganay niya. Gusto rin niyang makatapos ng college ang isa pa niyang anak na graduating this year sa accounting. Iyong isa naman na si Mr. J. ay naghihintay na lang ng petisyon sa kanyang ama na nasa U.S. Si Mr. R. ay gustong matulungan ang family niya at siguro balak na ring lumagay sa tahimik kung makakaipon ng kita rito. Si Mr.P – ‘yong gay- ‘di ko siya madalas makakwentuhan kasi lagi siyang wala sa accommodation nila kapag gabi. Mahilig kasi siyang pumasyal sa mga kaibigan niya. Si Mr.G.naman, siya ‘yong pinakabata, akalain n’yo ba na almost 3 months pa lang siya dito sa Dubai eh nakabili na agad ng laptop. Talo pa nga kaming mga mahigit isang taon dito sa work. Pinag-ipunan naman ni Mr. G. ang ipinambili niya ng laptop at nagtipid talaga siya pati sa kanyang pagkain .At least kahit papano ay may nabili siyang mamahaling bagay dito sa Dubai. Magagamit naman niya iyon kung sakaling mag-aral siya o magtrabaho uli. Balikan natin si Mr. J, medyo may pagka-chickboy si Mr. J. Kahit bago pa lang siya sa Dubai, ang dami na niyang na-meet na girls. Pero okey lang ‘yon as long na alam niya ang limitations niya. At isa pa may pamilya din siya sa Pinas kaya nasa kanya na kung paano niya ito ima-manage. Naging masaya naman ang samahan namin sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan nila rito. Habang ginagawa ko ‘tong blog ay 2 days na lang at pauwi na sila dyan sa atin. Kailangan kasing magbawas ng tao ang company namin na 50% ay Pinoy ang empleyado. Kailngan itong gawin para maka-survive sila sa global crisis. Dahil na rin siguro sa policy ng bawat kumpanya na “last in, first out," kaya sila ‘yong kailangang bawasin. Bagaman ang iba sa kanila ay mga professional, wala namang nagawa ang kumpanya kundi ang magbawas ng empleyado. Kung sa akin nangyari ‘yon talagang mararamdaman ko ‘yong sakit ng pagkabigo na mawalan ng trabaho ‘di ba? Pero may isang bagay na magpapatibay sa akin kung sakaling mangyari iyon sa akin (na sana huwag naman). Na-invite kasi kami dati ng ka- villa namin na mga born again Christian na makinig sa pangaral nila. Umatend ako kasi open naman ang isip ko sa ibang religion. Isa pa sa loob naman ng bahay namin gaganapin kaya okey lang. Ang topic namin noon ay tungkol sa foundation ng buhay. Nasabi niya na lahat ng bagay sa mundo ay temporary lang, which is totoo naman talaga. Walang makakapagsabi sa atin kung ano pwedeng mangyari sa bawat isa sa atin. Kahit ano pang ganda ng kinatatayuan mo sa ngayon - mayaman ka man o mahirap, matalino ka man o mahina ang utak. Kung ang pundasyon ng buhay natin ay inilaan mong lahat sa trabaho, pag-ibig, bisyo o luho, sa lahat ng bagay, kapag ito ay nawala sa’yo siguradong mahihirapan kang tanggapin. Kaya gaya nga sabi ng pastor, kay Lord Jesus natin ilagay ang ating pundasyon ng ating buhay. Para sa ganoon ay sigurado tayong magiging matatag tayo ano mang pagsubok ang dumating sa buhay natin . Hindi lang limang Pinoy na mga kasamahan ko ang umuwi ng Pilipinas dahil sa global crisis. Libo-libong Pinoy ang nawawalan ng trabaho sa ibat ibang bansa, ‘ni hindi nga alam ng gobyerno natin kung paano sila tutulungan. Mas abala kasi sila ngayon sa paghahanda sa nalalapit na eleksiyon. Prayers na lang talaga ang panlaban natin sa lahat ng trials na mai-encounter natin everyday. Bilang isa ring OFW, nais ko sanang ipanawagan sa lahat ng OFW sa buong mundo na kung sakaling sa bansang kinaroroonan nyo ngayon ay kailangan ng mga manggagawang Pinoy, tulungan naman natin ang iba nating kababayan na maipasok sila sa trabaho. Lagi nating tatandaan na ang pagtulong sa kapwa ay higit na kinalulugdan ng Diyos. Sa mga kababayan natin at sa ibang lahi na nawalan na kanilang hanapbuhay, maging matatag lang kayo. Lagi ninyong isipin na kung may kinuha si Lord na isang bagay sa atin, siguradong papalitan niya ito ng mas higit pa. Basta taimtim lang tayong manalangin sa kanya. Sa pag-alis ng mga kasama ko sa trabaho, batid kong malulungkot kaming mga naiwan dito dahil napamahal na kayo sa amin. Kaya nga umaasa pa rin ako na muli silang makahahanap ng trabaho kahit hindi rito sa Dubai. Sa mga kasamahan ko na sina Mr.M., Mr.R., Mr.G.., Mr.P. Mr.J., alam ko na kapag nabasa ninyo ito, alam ninyo na kayo ang nasa kwento ko. Kahit malayo na tayo sa isa’t-isa ‘yong naging samahan natin dito sa Dubai ay magsisilbing magandang alaala ng ating pagiging magkababayan at magkaibigan. Sana magbalitaan pa rin tayo thru e-mail,YM, Chikka or Facebook. Para manatili tayong magkakaibigan saan man tayo makarating. Hangad ko na matupad ninyong lahat ang pangarap ninyo sa buhay sa tulong ni Lord. God Bless sa lahat ng Pinoy at OFW na kasalukuyang nakikipagsapalaran sa buhay! Mabuhay ang Pinoy! CIRE11072008 ng DUBAI