ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Mapaglaro man ang buhay (1)


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Marami na akong narinig na mga kuwento ng taong nasawi sa pag-ibig. Ngunit ang sa akin ay ‘di pa rin maikukumpara sa kahit alin sa kanila. Kaya gusto ko ring ibahagi ang karanasan ko sa buhay may-asawa. Lumaki ako sa pamilyang mahirap man ngunit tinitingala ng mga tao sa amin dahil sa respeto sa aming angkan. Ngunit ito’y nasira noong ako ay mag-asawa. Taga-Cagayan Valley ako at nakapag-asawa ng taga-Ilocos Sur. Sa umpisa pa lang ay ayaw na sa akin ng mga biyenan ko at ng step-mom ni Kupido. Gayunpaman, ako’y naging tanga at yun pala ang umpisa ng katangahan ko sa mahaba-haba ring panahon. Umalis kami sa poder ng mga biyenan ko after 2 weeks, at tumira kami sa trabaho ni Kupido. Doon ay sinundan pa rin nilang guluhin ang pagsasama namin. Makalipas ang ilang buwan, ipinatanggal ng biyenan ko sa trabaho si Kupido. Doon lalong lumala ang problema ko. Noong wala nang work si Kupido ay inilapit siya ng biyenan ko sa isang drug dealer para daw kumita. Naglilihi na ako sa first child ko at that time. Umuwi ako sa amin at naiwan si Kupido sa lugar nila. Nalulong siya sa drugs, sugal, sigarilyo, babae at lahat na ng bisyo. Noong mainit na siya sa pulisya, sinundan niya ako sa amin. Doon ay ‘di pa rin siya tumigil sa “paggamit" sapagkat mayroon din palang nagtitinda ng droga sa mismong kapit-bahay namin. Hanggang sa puro na lang kami away kasi doon na siya namalagi sa amin. Ang masaklap ay kinukuha pa niya ang kaunting kita ko pati ang puhunan sa aking maliit na tindahan.

Naranasan kong ibasag sa ulo ko ang pitsel ng tubig, at kalbuhin sa harapan sa pamamagitan ng napakatulis na cutter. Habang ang tiyuhin, lola, pinsan, tiyahin niya, at mga kapit-bahay ay parang nagdadasal na palabasin na kami ng anak ko dahil nangangamba silang ma-suffocate ang baby ko.
– Ambit ng Shanghai
Umuwi siya sa kanila noong nagkasagutan sila ng tatay kong matanda. Bagong panganak ako noon at two-days-old pa lang yung baby ko. Tumatawag yung kumare ko na kapit-bahay nila na kesyo pumunta raw ako doon dahil ibinabahay na raw ni Kupido ‘yong babae niya. Totoo nga at hindi lang isang babae (‘di mabilang kung ilan). Mayroon pang buntis ngunit ‘di siya ang ama. Bugbog-sarado ako noon ngunit tiniis ko dahil ang tanging nasa isip ko noon ay ayaw kong lumaki ang anak ko na walang kamumulatang ama. Nandiyan na ikinulong kami ng 23-days-old baby ko sa kuwarto, at halos kalahating araw niya ako kung binubugbog. Naranasan kong ibasag sa ulo ko ang pitsel ng tubig, at kalbuhin sa harapan sa pamamagitan ng napakatulis na cutter. Habang ang tiyuhin, lola, pinsan, tiyahin niya, at mga kapit-bahay ay parang nagdadasal na palabasin na kami ng anak ko dahil nangangamba silang ma-suffocate ang baby ko. Ngunit ‘di siya nakinig sa kanila, lalo niya akong sinasaktan kapag nagmamakaawa sila sa kanya. Hanggang sa naisip niyang kumuha ng kutsilyo sa kusina at tuluyan na raw niya akong papatayin. Pero bago pa siya makalabas ng pintuan, ibinaba ko na ang anak ko at bago niya makuha ang kutsilyo ay kumaripas na ako ng takbo palabas. Nadapa ako sa harapan ng bahay at bumangon ulit, sa sobrang takot ko ay sumisigaw ako ng saklolo. Tinulungan ako ng aking mga kapit-bahay at itinago. Samantala, ang kapit-bahay nilang guro at ang tiyuhin niya ay kinuha ang anak ko at ibinigay sa akin.Makalipas ang ilang minutos ay hinanap niya kaming mag-ina ngunit itinago pa rin kami ng aming kapit-bahay. Hindi nagtagay ay inihatid na kami ng guro sa terminal ng bus pauwi sa amin. Ibinilin ako ng napakabait na guro ang driver ng bus na kung makita si Kupido ay huwag hintuan, at sa halip ay sagasahan na lang dahil sa sobrang sama niya. Tumira kami sa mga magulang ko. Ang nanay ko lang ang nakakaalam ng totoong nangyari sa amin ng anak ko. Sapagkat hindi puwedeng ipaalam sa mga kapatid ko at lalong-lalo na sa tatay ko. Lumipas ang halos isang taon, nagbago na raw si Kupido sabi ng mga kamag-anak niya. Pinababalik na kami ng anak ko doon, at ginawa ko naman…pero nagkamali ako. (itutuloy) – GMANews.TV Ambit ng Shanghai Mapaglaro man ang buhay (2) Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!