ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Diploma alay sa mahal na inang OFW


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Magandang araw po sa lahat ng tagatangkilik ng blog na ito. Naisipan ko lang pong i-share ang kasiyahan na aking nararamdaman dahil sa pagtatapos ko sa kolehiyo at muli naming pagkikita ng aking mahal na nanay.


Dobleng kasiyahan ko kasi bukod sa nakatapos na ako, nakasama ko pa sa graduation ang nanay ko na hindi nakauwi sa Pilipinas sa nakalipas na anim na taon. Ang pag-uwi niya sa mahalagang okasyon na ito sa aking buhay ay lalong nagpatunay na mahal niya kaming mga anak niya.
– Mica
Tawagin niyo na lamang po akong Mica, nagtapos ng kursong nursing dito po sa amin sa Pangasinan. Proud po ako sa aking sarili dahil nalampasan ko ang mahirap na parte ng isang anak na lumaking hindi kapiling ang ina. Hindi ko naman po siya sinisisi, alam kong kailangan niyang umalis para magtrabaho sa ibang bansa upang masuportahan kami -- lalo na ang pag-aaral. Dobleng kasiyahan ko kasi bukod sa nakatapos na ako, nakasama ko pa sa graduation ang nanay ko na hindi nakauwi sa Pilipinas sa nakalipas na anim na taon. Ang pag-uwi niya sa mahalagang okasyon na ito sa aking buhay ay lalong nagpatunay na mahal niya kami. Tatlo po kaming magkakapatid, nasa high school na po ang bunso namin at second year naman sa kolehiyo ang sumunod sa akin, ako ang panganay. Tulad ng karaniwang dahilan ng iba ko na pong nababasa dito, kakulangan ng kita ang dahilan kaya napilitan ang nanay ko na maging caregiver. Hindi po kasi sapat ang kita ng tatay ko para mabigyan kami ng magandang edukasyon. Alam ko po ang sakripisyong ginawa ng aking nanay, t aang pagtitiis din ni tatay, kaya naman hindi po inaksaya ang pagsasakripisyo nila. Proud ako sa aking sarili at sa mga kapatid ko dahil hindi kagaya ng ibang anak ng OFW na nasira ang buhay, kami po ay nagsikap sa pag-aaral sa gabay na rin ng aming ama. Hindi ko naman po sinasabing perpekto kaming pamilya. Kung minsan ay nagtatalo rin kami ni tatay, gayundin kaming mga magkakapatid. Madalas sa mga pagtatalo namin ay nababanggit namin ang katagang,“kung nandito lang si nanay." Pero dahil nga wala siya at nagpapakahirap sa ibang bansa para kami mabigyan ng maayos na buhay, bigla kaming natatauhan. Pumapasok sa isip namin na dapat magmahalan kami at magtulungan para sa aming naghihirap na nanay.

Hindi po kagaya ng ibang magulang na OFW, walang plano ang nanay ko na inganyuhin akong mag-caregiver din na katulad niya. Nais niyang dito lang ako sa Pilipinas, kapiling ng mga kapatid ko at tatay namin. Ang edukasyon namin ang pangunahing dahilan kaya siya nag-abroad, kaya hihintayin namin ang panahon na makatapos kaming lahat para makauwi na siya.

Masaya ako sa pag-uwi ng nanay ko dahil madalas noon na kapag inaaya ko siyang umuwi kapag Pasko o may-birthday sa amin, ang sasabihin niya ay sayang ang pamasahe at ipadadala na lang niya ito para magamit namin. Pero sa graduation ko, siya pa ang nagsabi na uuwi siya…walang sayang pagdating sa graduation ko. Sabi ko di ako iiyak sa graduation ko kasi ayoko pong maging madrama kasi baka tuksuhin ako. Pero mahirap pong pigilan ang emosyon lalo na nang makita kong lumuha rin ang nanay ko. Dama ko po na masaya siya dahil hindi nasayang ang kanyang paghihirap na malayo sa amin. Kaya naman po lalo naming magbubutihin ang aming kinabukasan. Hindi po kagaya ng ibang magulang na OFW, walang plano ang nanay ko na inganyuhin akong mag-caregiver din na katulad niya. Nais niyang dito lang ako sa Pilipinas, kapiling ng mga kapatid ko at tatay namin. Ang edukasyon namin ang pangunahing dahilan kaya siya nag-abroad, kaya hihintayin namin ang panahon na makatapos kaming lahat para makauwi na siya. Wala kaming plano na ipagpatuloy ang cycle ng pagiging OFW na sinimulan ng aming ina. Hindi po sana ako magsasalita ng tapos pero sana ay hindi talaga. Tama na po ang isang miyembro ng aming pamilya na nagsakripisyon para sa aming tatlo. At kahit halos isang buwan ko lang siya makakasama ngayon, sapat na iyon para makumpleto ang aking kaligayahan sa aking pagtatapos at maibigay ng personal ang diploma ko. Alam po namin na malapit na ang panahon na muli naming siyang makakapiling na permanente, ipinagdarasal namin na mapabilis ito. Sa lahat po ng mga anak ng mga katulad ng nanay ko na OFW na nagtapos, congratulation sa atin. Pati na rin po sa lahat ng magulang na OFW na nagsakripisyo para mapag-aral ang kanilang mga anak, dakila po kayo. Salamat po ng marami. - GMA News Mica Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!