Kakaibang Station of the Cross sa Taguig City
May kakaibang pasyalan na maaaring puntahan sa Bonifacio High Street sa Taguig City ngayong Semana Santa - ngunit hindi para mamili, kundi para makapagnilay. Iniulat ni GMA News Reporter Claire Delfin, na itinayo ang Walkway: Reflections on the Stations of the Cross sa Bonifacio High St, ng grupong Church Simplified. Sining ang ginamit na paraan ng grupo para mahikayat ang mga tao na bisitahin ang Walkway ngayong Semana Santa. Inaasahang na sa ganitong paraan ay makapagninilay ang mga tao tungkol sa ginawang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo. Ayon kay Lemarc Limosnero, kasapi ng Church Simplified, mahalagang ipagpatuloy ang naturang tradisyon na nakagisnan at sentro ng paniniwala ng mga Pilipino. Idinagdag naman ni BJ Albert, na naisipan nila na gawing interactive ang Station of the Cross para lalong makapagnilay ang mga tao. Bukod sa pagbabasa ng mga biblical verse sa bawat istasyon, mayroon ding mga aktibidad na maaring gawin ang deboto.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa unang istayon, makikita ang basag na salamin na naglalarawan umano ng pagkakamali ng sangkatauhan na minahal pa rin ng Panginoon. sa second station ay muling babalikan ang ginawang pagtataksil ni Hudas kay Hesus kapalit ng 13 piraso ng pilak. Dito ay maaaring pagnilayan kung magkano nga ba ang halaga ng pagkatao. Maaari namang magpasan ng krus sa ika-pitong istasyon, habang sa ika-siyam na istasyon ay maaari mong ipako sa krus ang iyong mga pagkakamali at kahinaan. Papasukin mo naman ang darkroom sa ika-12 istasyon, at puwede namang magkomuniyon sa huling istasyon. Nasisiyahan naman ang mga tao sa moderno at interactive na Station of the Cross dahil kahit ang mga bata ay maaari umanong makibahagi. Binuksan ang Walkway: Reflections on the Stations of the Cross noong Abril 17 at tatagal lamang hanggang Abril 24. - FRJimenez, GMA News