ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Shortlist sa pagpipilian ni PNoy bilang bagong Ombudsman, sa Hulyo malalaman


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Sa Hulyo pa malalaman kung sino ang papalit sa binakanteng posisyon ni Merceditas Gutierrez bilang pinuno ng Office of the Ombudsman. Ayon kay Sen Francis Escudero, miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC), sa unang linggo ng Hulyo isusumite ng konseho kay Pangulong Benigno Aquino III ang tatlong pangalan na irerekomenda nila bilang kapalit ni Gutierrez. Ang tatlong pangalan ay manggagaling sa 26 na nominado sa posisyon na isa-isang isasalang sa panayam ng JBC na sisimulan sa ikalawang linggo ng Hunyo. “Hopefully, by July 4 we will be able to submit the (short) list to the President," pahayag ni Escudero sa mga mamamahayag sa Senado nitong Huwebes. Ang pangalan ng 26 na nominado ay ipinalathala na sa mga pahayagan. Bukas din umano sa publiko ang gagawing pagsala ng JBC sa mga nominado. Kapag naibigay na ang short list kay Aquino, mayroong 30-araw ang pangulo para pumili ang bagong Ombudsman mula sa isinumiteng listahan ng JBC. Si Gutierrez ay nagbitiw sa puwesto noong Mayo 6, tatlong araw bago simulan ng Senado ang kanyang impeachment trial. Kabilang sa mga pinagpipilian na papalit kay Gutierrez ay sina Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio-Morales, De La Salle University of the Philippines law dean at Free Legal Assistance Group (FLAG) national chair Jose Manuel Diokno, Alternative Law Groups head Marlon Manuel, at advocacy lawyer Ernesto Francisco. Lumutang din ang pangalan nina Justice Secretary Leila de Lima at dating SC Chief Justice Reynato Puno, pero tinanggihan nila ang nominasyon. Ang JBC ay binubuo ng Supreme Court chief justice bilang ex-officio chair, kasama ang Justice secretary, at chairperson ng committee on justice sa Kamara de Representantes at Senado, bilang mga ex-officio member. Miyembro rin ng konseho ang kinatawan mula sa Integrated Bar of the Philippines, academe, private sector, at retired member SC. - FRJ, GMA News