OFW sa Jeddah na tinakasan ng katinuan, makauuwi na sa Pilipinas
Magaling na at makauuwi na sa Pilipinas ang overseas Filipino worker sa Jeddah, Saudi Arabia na tinakasan ng katinuan at nagwala sa kalye noong nakaraang buwan. Matapos ang halos isang buwang pananatili sa ospital, bumuti na ang kalagayan ng OFW na itinago sa pangalang Lex, ayon sa opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Sa panayam ng GMA News Online, sinabi Welfare Officer Segundino Coretico, na unti-unting bumalik sa katinuan si Lex dahil sa pagkalinga sa kanya ng pagamutan. Patung-patong na problema umano sa trabaho, pangungulila sa pamilya at hindi magandang kapalaran sa KSA ang naging dahilan kaya nawala sa matinong pag-iisip si Lex. Ayon kay Coretico, nakipag-ugnayan na sila sa Saudi Immigration para mabigyan ng special exit visa si Lex. Ngunit nahirapan sila dahil humingi ang amo ni Lex ng danyos na umaabot sa US$3,000. Dahil dito, huminigi sila ng tulong sa mga awtoridad upang makakuha pa rin ng exit visa para kay Lex at makapiling na niya ang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Matatandaang na noong nakaraang buwan, dinala sa ospital si Lex matapos siyang magwala at makipaghabulan sa ilang tauhan ng OWWA at mga OFW sa labas ng Philippine Consulate. (Basahin: OFW sa Jeddah, tinakasan ng bait, nagwala sa kalye) Dahil sa pagiging bayolente, kinailangan siyang talian para hindi makapanaikit ng mga sumasagip sa kanya, at protektahan na rin ang kanyang sarili habang dinadala sa konsulado. Gayunman, nagawa pa rin ni Lex na makakawala sa pagkakatali habang nasa loob ng kotse ng GMA News stringer at nabasag nito ang bintala ng sasakyan gamit ang nahawakang bakal. Walang maalala Sa panayam ng GMA News Online kay Lex kamakailan lang, sinabi nito na hindi niya matandaan ang mga nangyari sa kanya at kung papaano siya nadala sa ospital. Sinabi ni Lex na sobrang depresyon sa trabaho at pangungulila sa pamilya ang dahilan kaya siya âbumigay." Pinagbintangan din umano siya ng kanyang amo na nagnakaw ng sasakyan. âMahirap po pala ang buhay OFW sir, hindi basta-basta ang magtrabaho dito lalo na kung hindi maganda ang dadatnan mo dito. Kaya payo ko sa mga kapwa ko na gustong mag-abroad, siguruhin nila na kaya at matibay ang dibdib nila sa pagharap sa mga posibleng problemang dadatnan. Siguraduhin din na maayos ang mga kontratang pinipirmahan," payo ni Lex. Hiyang-hiya rin umano siya nang malaman at maikwento na sa kanya ang mga ginawa niya nang mawalan siya sa katinuan at makabasag pa ang bintana. âHiyang-hiya po ako nang ikwento sa akin ang mga pinaggagawa ko. Pati pala sasakyan niyo ay nabasag ko, pasensiya na po," pahayag ni Lex. Pinasalamatan naman ni Lex ang mga opisyal at tauhan ng OWWA at POLO na hindi huminto sa pagtulong sa kanya mula sa pagpapagamot sa ospital at pagtutok sa kanyang kaso. Sa ngayon, sinabi ni Lex na nakausap na niya ang kanyang mga mahal sa buhay at gusto na niyang umuwi sa Pilipinas at doon na lamang magtatrabaho. Payo naman ni Coretico sa mga OFW na planong magpunta sa KSA, pag-isipan muna nilang mabuti ang gagawing pakikipagsapalaran. Dapat daw ay handa silang harapin ang lahat ng klaseng problema kung sadyang desidido silang magtrabaho sa ibayong-dagat. - Ronaldo Concha/FRJ, GMA News