ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kwentong Kapuso: 'Makakaasa ka Nanay'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nakatanggap ako ng text messages kagabi nung nasa accommodation na ako. Naka-confine ulit ang mother namin sa ospital. Naka schedule ng blood transfusion. Sa halip na isigaw ko ang tensyon at pagkabalisa ko sa sitwasyon sa amin sa Pilipinas, isinulat ko para maging outlet ng nararamdaman ko. Nakakahiya kasing may makarinig kapag sumigaw ako, Magmumukha akong ewan. Lumabas ako ng kwarto at tinanaw ko ang langit.... may isang buwan at isang bituing matingkad. Inisip ko na lang na nasa iisang bubong kami nang kalangitan ng mga mahal ko sa buhay.... kahit magkaiba ang timezone sa Saudi Arabia at Pilipinas . Panay ang text ng kapatid ko sa aking roaming. Panay din ang reply ko sa kanya gamit ang aking KSA sim. Siya ang bantay sa ospital sa nanay naming maysakit. Siya ang naka-schedule na magbantay magdamag. Nitong umaga ko na lang sila pinagtatawagan , nang relyebohan na sa pagbabantay kay nanay. Sa gitna ng mga pagsubok, patuloy nawa ang pagbuhos ng mga pagpapala sa ating lahat. Patuloy nawa ang pagbibigay ninyo ng inspirasyon sa iba pang mga Filipino sa pamamagitan ng mga Kwentong Kapuso: "Nagka-usap na kami ng mga kapatid ko. Kinumusta ko si nanay at ang sitwasyon niyang pagpapa-blood transfusion. Pinasalamatan ko sila sa walang sawa at walang kapagurang pagtitiyaga sa pag-aaruga at pag-asiste kay nanay habang nasa banig siya ng karamdaman… habang ako’y wala. I appreciate their schedules to fit in to watch over our dear mother. The small talks; a touch on her hands; a tap on her shoulders; would mean a lot to her right now, more than ever. This very moment, how I wish I can hug my nanay. I want to embrace her just like when I was a kid. I want to whisper in her ears, “’Nay, kaya mo ‘yan. Nandito lang ako sa tabi mo. Nandito na ako at ako na ulit ang in-charge sa pamilya natin tuwing dumarating galing abroad." Gusto ko ring ibulong sa kanya… Magpagaling ka ‘Nay. Uuwi pa tayo ng probinsiya kung saan ka lumaki. Makikita mong muli ang mga kaibigan at lugar na gusto mong pinupuntahan doon. Makakalangoy ka ulit sa ilog na iyong nilalanguyan noon. Magpi-fishing ulit tayo sa ilog ng Minanga. Pero ngayon, hindi na patpat ng kawayan at tamsi lang ang gamit natin. May dala na akong fishing rod galing ng Saudi…. tig-isa pa tayo. Mas matibay at mas maganda ito. Iiikot mo na lang ang reel ‘pag mayroon nang kumagat na isda sa kawil mo. Hindi na uod ang ipapain natin. Karne na ng pusit na gagayatin ko nang pakuwadradong-pahabang maliliit na gayat. Magpapa-akyat ulit ako ng bente pirasong buko sa niyugan para magsawa ka sa pag-inom ng sabaw nito. Papasisirin ko uli sa ilog at dagat ang mga kaibigan ko para ipagpana ka ng paborito mong isdang kakainin. Iihawin ko para sa iyo. Sa umaga, ipagluluto ulit kita ng sinangag na may dilis at mixed vegetables, na hinahaluan ko ng tatlong binating itlog na may dinurog na isang itlog na maalat. Madalas mo akong biruing, “Kakaiba siya anak… from Paris, walang kaparis!" Lagi mo pa ngang itinatanong sa akin kung ano ang secret recipe ko sa aking fried rice. Pero hindi ko sinasabi sa iyo kasi gusto kong hinahanap-hanap mo ang lasa ng fried rice ko. Alam kong sarap na sarap ka sa pagkain kasi natatandaan kong sinabi mo minsan na all-in-one na siya. Kahit wala nang iba pang ulam, complete nutrition na. Alam mo bang sa iyo ko rin natutunan ang kahalagahan ng nutrisyong dulot ng pagkain sa katawan? Tumanim sa puso’t isipan ko ang lagi mong sinasabi noon sa ating hapag-kainan, “You are what you eat." ‘Nay, sinunod ko ang lahat ng bilin mo. Kahit nasaan ako at kahit saan pa abuting lugar ang aking mga paa. Yung pagkilala at takot sa Diyos, yung pagdakila sa Kanyang pangalan, yung paghingi ng karunungang nagmumula sa Kanya. ‘Nay, ngayon ko lubos na naunawaan ang bilin mong pagsunod sa magulang para humaba ang buhay sa mundong ibabaw. Patungkol pala iyon sa aking kaligtasan sa lahat ng kapahamakan, sa lahat ng oras, sa kahit saang lugar at mga bansang ako ay mapapadpad. Mahal na mahal kita nanay. Katulad ng pagmamahal mo sa iyong mga magulang. Mahal na mahal kita tulad ng pagmamahal ko ngayon sa aking mga anak bilang magulang na rin sa kanila. ‘Nay, lagi kong dasal at hiling sa Diyos ang karunungan. Pero sa mga sandaling ito, ang dasal ko ay kalakasan ng loob na harapin at matanggap ang katotohanan ng ‘cycle and stages of life.’ Sa kung anumang pwedeng mangyari sa kinabukasan. Tulad ng bilin mo ‘nay, at tulad ng pangako ko sa iyo, hindi ko kinakalimutan ang mga kapatid ko. Lagi ko silang inaalala at inaagapayan, sampu ng mga pamilyang kanilang kinabibilangan, saan man ako makarating. Gusto ko sanang mahawakan man lang ang kamay ng nanay ko. Maidampi ang kanang kamay niya sa noo ko na lagi kong ginagawa tuwing dumarating galing sa malayo. Sa sitwasyong halos magpikit na ang kanyang mga mata sa pag-recognize kung sino nga ba ako sa mga anak niya, gusto ko sanang marinig niya sa mahina na niyang pandinig ang mga katagang sasabihin ko sa kanya... "Makakaasa ka nanay, kaya ko ‘yan. Nandito lang ako sa tabi nila. Nandito lang ako na laging in-charge sa pamilya natin." -- GMA News InsangRJ Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!