ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kwentong Kapuso: 'Magbago Ka Na Kabayan Ko'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Magandang araw po sa inyong lahat. Ako po'y nababahala sa aking mga nababasang balita tungkol sa mga kababayan natin sa iba't-ibang bansa na gumagawa nang ‘di maganda kanilang pinagtatrabahuhan at pinupuntahan. Ito ang nagtulak sa akin na gumawa ng isang simple, ngunit makabuluhang tula upang ipamulat sa ating isipan na ito'y nakakababa ng pagtingin nila sa ating lahi. Sa mga kababayan nating gumagawa ng paraan na maiangat ang ating bansa sa iba't-ibang larangan, ipinagmamalaki po kayo/tayo ng ating bansang sinilangan. Nawa'y ipagpatuloy po natin ito. Sa mga patuloy na gumagawa ng ‘di maganda, maaari po bang magbago na kayo upang ‘di n’yo pagsisihan sa bandang huli kung mahuhuli kayo at hatulan ng pagkabilanggo, o ang pinakamasakit ay parusang kamatayan. Hindi pa huli ang lahat upang magbago. Nawa'y makatulong man lang itong tula ko sa simpleng paraan. Maraming salamat po at pagpalain po tayong lahat ng Panginoon na nagsisikap at nagsasakripisyo na nagtatrabaho sa iba't ibang bansa. "MAGBAGO KA NA KABAYAN KO" Ni Maria Paz Sa mga Pilipinong gumagawa, Nang mga bagay na masasama, Lalo na sa ibat-ibang bansa, Itigil na kabayan at magbago na. Pagpuslit ng droga, pagnanakaw, panloloko sa kapwa, Pagsisinungaling, paglabag sa batas at marami pa Ano pa ang inyong makakaya? Ipagpatuloy mo pa ba? At kayo/tayo ang lalabas na kahiya-hiya? Mga dayuhang pumupuri sa ating kakayahan, Dudungisan niyo ba ng inyong kahangalan? Dahil lang sa inyong sariling kapakanan? Tayo at si Inang Bayan ang naaapektuhan. Ang tiwalang ibinibigay ng bansang pinagtatrabahuhan Tumbasan sana natin ng ibayong kabaitan at kabutihan, Upang lahing Pilipino ay ating maiangat, At pagtitiwala nila’y magpatuloy ng tapat. Tayo ay pansamantalang naninirahan dito, Naipamalas natin ang ating tapang at talino, Makatulong din sa ating pamilyang naiwan, Sa Pilipinas na ating bansang sinilangan. Kaya tayo ay kailangang mag-ingat, Sa mga gawaing ‘di karapat-dapat, Nang sa ganun atin pa ring mapanatili at maisalba, Ang mga pangyayaring ‘di maganda na naibalita na. Ito sana’y kapulutan ng aral, Maging maingat sa ating inaasal, Sa bawat pasyang ginagawa, May katumbas na parusa, Lalo na kung ito’y paulit-ulit na. Magsisisi ka man sa mga pagkakamaling ginawa, Huli na kung ikaw ay nahatulan at nakakulong na Hingin sa Diyos na malabanan ang inyong kahinaan Upang kasamaan ay maiiwasan At ang luha ay hindi masasayang. – GMA News Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!