Kwentong Kapuso: Paskong Pinoy sa ibang bansa
Para sa akin, ibang-iba talaga ang Pasko sa sariling bayan. Pero dahil nandito ako sa ibang bansa, wala akong magawa kundi magdiwang kahit papaano.
Dito sa Egypt, kakaunti ang nagdiriwang ng Pasko dahil bagama't may mga Kristiyano rito, mas marami ang mga Muslim. Karamihan sa mga nagdiriwang ng Pasko ay mga Kristiyanong foreign student.
Iba kung ipagdiwang ang Pasko dito. Unang-una, walang Simbang Gabi. Tuwing Disyembre 24 o 25 kami nagsisimba, at yun ay kapag pinayagan kami ng aming mga amo.
Pagkatapos naming magsimba, may handaan din kami kahit papaano para pagsaluhan. Minsan bago kami umuwi ay namamasyal muna kami. Pumupunta kami sa aming mga kaibigan. Hindi rin nawawala ang exchange gifts. Kung minsan, may natatanggap kaming mga regalo mula sa aming mga amo.
At para naman sa mga Christmas carols, nandiyan ang YouTube, cassettes at DVD. Umaga pa lang, nagpapatugtog na kami. Kahit papaano, napapawi ang aming kalungkutan ng mga kantang ito.
Ganyan namin ipagdiwang ang Pasko sa ibang bansa.
Sa kabilang dako, may mga Pasko rin kung saan puspusan kami sa trabaho. Di namin alintana ang pagod dahil sanay na rin kami.
Sa madaling salita, malayo man sa Pilipinas at pamilya, dama pa rin namin ang Kapaskuhan. Bilang OFW, lagi naming tanong sa aming mga sarili: Hanggang kailan kaya kami magtitiis?
Kung meron sanang magandang trabaho para sa amin sa Pilipinas, bakit pa kami nagpapakahirap dito sa ibang bansa? Kaya lang, marami pa ring Pinoy ang walang permanenteng trabaho sa Pilipinas, kaya dito na lang kami sa ibang bansa. Maliit man o malaki ang sahod, at least may maipadala kami sa aming mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Para sa mga kapwa ko OFW, malayo man tayo ngayong Pasko sa ating mga pamilya, tiis lang. Balang araw, makakasama rin natin ang ating pamilya mag-Simbang Gabi.
Maligayang Pasko at manigong Bagong Taon sa ating lahat! — KBK, GMA News