ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kabilang mukha ng Singapore sa OFWs ngayon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa iyo Kapuso : Magandang araw sa inyong lahat na naglunsad ng proyektong ito para sa mga katulad naming OFW. Una sa lahat ay nais kong iparating ang aking pasasalamat sa pagbibigay ng isang bahagi ng inyong programa para sa mga katulad kong OFW. Ang mga tula at kuwento na aming isusulat, nawa'y kapulutan ng aral ng ating mga kababayan na dahil sa hirap ng buhay sa ating bayan ay nangangarap na ring mangibang-bansa. Hindi madali ang maging isang OFW. Siyanga pala, ako si Frederick Lim Perito, 32 anyos at kasalukuyang nagtratrabaho dito sa Singapore bilang isang IT professional. Tubong Tondo at laking Caloocan, nagpasiya akong suungin ang buhay OFW dahil na rin sa hirap ng buhay sa sariling bayan. Kung papalaring malathala ang akda kong ito, maaaring magpadala pa ako ng iba ko pang mga likha upang magsilbing munting gabay sa pagpapasya ng mga susunod pang OFW. Patuloy nawa kayong pagpalain ng Panginoon nating Diyos. Salamat po. Ang iyong Kapuso, Frederick Perito Ang Kabilang Mukha ng Singapore Flor Contemplacion at Delia Maga. Sila ang naging mukha ng bayang Singapore para sa mga Pinoy nung mid 90's. Isang pinatay, isa pinagbintangang pumatay. Parehas nang nalimot ng panahon. Ngayon, mid-2000's, iba na ang mukha ng bansang Singapore para sa mga Filipino. Lupain ng oportunidad. Lugar para sa mga tinaguriang IT Pros. Kabilang ako dun. Mas magandang trabaho, malaking sahod, mas ligtas na bansa. Iyan ang larawan ng Singapore mula sa bayang Pilipinas. Ito ang dahilan kung bakit maraming IT Professionals ang nahihikayat na pumunta dito. Sino nga naman ang di mae-engganyong manirahan sa isang mas ligtas, mas mayaman at mas tahimik na bansang tulad ng Singapore kung ikukumpara sa isang patawiring lipunan na kagaya ng Pilipinas? Pangalawa sa buong mundo ang ekonomiya ng Singapore. Mas mababa lamang sa Hongkong ngunit di hamak na mas mataas sa Estados Unidos. Dito, nagkalat ang oportunidad para sa makabagong uri ng mga propesyunal. Mas mabilis ang pag-asenso. Pero bakit maraming kuwento ng kabiguan ang maririnig dito? Si Mila, 18 anyos, isang DH. Pagkatapos manilbihan ng mahigit tatlong taon sa kanyang among mag-asawang Singaporean, pinilit na mag-resign at humanap ng ibang amo. Nang di siya pumayag na umalis, pinagbintangang nagnakaw ng kuwintas ng amo niyang babae. Nakakulong siya ngayon. Andyan din si Rosa, 21 anyos. Buong akala niya'y yaya lang ang trabaho niya dito. Pero ngayon, tagaluto, tagalaba, tagaplantsa, tagalinis ng bahay at bantay sa kainang pagma-may ari ng amo niyang Singaporean. Kung matulog, matagal na ang 6 na oras. Si Loida naman, 23 anyos, nagpunta dito para maging DH. Ngayon, madalas kong makita sa Lucky Plaza pagsapit ng gabi, iba-ibang lalake ang kasama. Mga pinsan daw niya. Marami pang iba. Mayroon pang ginahasa ng among Intsik ngunit dahil sa pangakong pera buwan-buwan, nananatiling tikom ang bibig at di umaalis sa kanyang pinagtatrabahuhan. Iyan ang kabilang mukha ng Singapore. Tama, malinis, ligtas at maunlad. Iyan ay para sa mga white collared workers at professionals. Pero para sa mga DH, babysitters at iba pang non-skilled workers, ang Singapore ay puno ng pagtitiis, hirap at luha mabigyan lamang ng magandang buhay ang mga mahal na nasa Pilipinas. Sila ang mga tunay na bagong bayani. Hindi ang kung sinu-sinong tao na binibigyang parangal pa sa Malakanyang at pinagkakalooban pa ng malaking halagang papremyo sa Kongreso. Gusto niyo bang malaman ang kuwento ni Maan? Ikukuwento ko basta mangangako kayong walang iiyak, ok?