Naiirita sa sobrang pulitika
Isang mapagpalayang araw mga Kapuso at kapwa Filipino! Wala na nga siguro pang makakapantay o hihigit sa lahat kung hindi ang makauwi at makadaupang palad ang mga mahal mo sa buhay sa bayang ating sinilangan. Sabi nga sa wikang English, âThere is no place like home" and âNo amount of money can compensate for your absence in the home." Marami sa mga kababayan natin ang nangibang bayan bilang OFW, marahil isa na po ang inyong lingcod, na nakararanas ng pangungulila sa mga mahal sa buhay. Siguro minsan masasabi ng mga makabbasa ng kuwentong ito, bakit ka pa nag-abroad kung maho-homesick ka? Pero magiging sinungaling ako kung hindi ko nararamdaman iyon maging sa mga sandaling sinusulat ko ang maikling sanaysay na ito. Marahil isa sa mga ugat ng pangingibang bayan ng isang Filipino ay ang pagiging salat sa buhay, kakulangan ng oportunidad sa Pilipinas, hindi sapat na kita, lumalaking pamilya, may mga anak na pinag-aaral, lumolobong utang at marami pang iba. Maaaring magsikhay ang bawat isa sa atin. Marahil naniniwala ang bawat isa na sa bandang huli wala rin naman tayong babagsakan kundi ang bayang ating sinilangan, ang PILIPINAS. Gasgas na gasgas na ang salitang binigkas, namutawi, pinakawalan ng mga aktibista at mga makabayan nating mga kapatid na sumisigaw ng pagbabagoâ¦pati ang mga placards ay naghuhumiyaw ng isang reporma, isang makabuluhan at malinaw at inilatag at binalangkas na pagbabago sa ating gobyerno. Bingi na rin ang ilan sa atin sa katagang âKung hindi ngayon, kailan pa." âKung di tayo ang kikilos, sino?" Minsan naisip ko pa sa nabanggit na kataga sa isa sa mga isinulat ni Luwalhati Bautista sa kanyang mumunting aklat, "WALA NAMANG PERMANENTE SA MUNDONG ITO....ANG LAHAT NG IYON AT IYAN AY MATATAPOS DIN DAHIL WALA NGANG PERMANENTE.â Minsan inisip ko nga, sino ba naman ang gustong magpaalila sa mga dayuhan (bagamaât ang ilan sa kanila ay hindi masasama) gayong noong ako ay nasa kolehiyo pa sinabi kong 'di ako pasusupil sa mga ito...sa mga paniil ng mga dayuhang ito. Pero teka muna, bakit mukhang nagbago ang mukha ng tadhana? Siguro isa din ako sa walang pagpipilian. Lahat kasi ng itinakda ng kapalaran ay hindi umayon sa takbo ng aking buhay. Kaya heto patuloy at patuloy akong nakikipagsapalaran sa mga kamay ng mga dayuhan para maiagapay at umalagwa ang kabuhayan ng aking mga mahal sa buhay diyan sa Pilipinas. Sa ganang akin, hindi ako naniniwalang mapaniil ang sistemang umiiral sa Pilipinas. Nasa atin na din iyon bilang indibidwal, bilang isang Filipino....bilang isang uring manggagawa, bilang isang OFW. Isipin natin na nakasalalay pa rin sa atin ang kinabukasan ng mga susunod na salinlahi, kung magtutulong-tulong lamang ang bawat sektor ng ating lipunan, ng ating gobyerno sa pangkalahatan.....transparency...reporma...unahing iahon ang mga mamamayang lubog sa kahirapan, mga batang lansangan, mga walang pagkakakitaang kabuhayan....mga maralitang taga lungsod at lalawigan. Tigilan na ang mga walang kabuluhang bangayan, pulitika, ang magbatuhan ng salita at bintang sa isa't-isa. Hindi pa huli ang lahat. Naniniwala ako na ang Filipino ay natatangi hindi dahil sa kanyang husay at talino, kundi dahil siya ay itinangi ng Maylikha bilang isang sangkap sa pagbabago patungo sa isang maunlad na bayang Pilipinas. Walang ibang tutulong sa Pilipinas kundi ang mga Filipino mismo....at hindi maitatatwa ng kahit na sinong Filipino iyan, kahit saang sulok man ng mundo ang kanyang galawan. Maraming, maraming salamat po.....(ang akin pong tinuran ay sa ganang akin at opinyon po lamang)! Berto ng Riyadh, K.S.A.