ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pinoy na lolo natututong mag-Ingles sa Canadian apo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mahirap man sa ibang bansa ang matutunan ang dilang dayuhan, naging madali kay tatay ang maging lolo sa kanyang mga dayuhang apo. Mga mumunting dilang marurunong na agad sa mundo. Maliliit pa'y may sarili nang mga katwiran sa mga bagay. Nasusunod ang gusto kung wala ang kanilang mga magulang. Pero kay tatay, hindi sila uubra. Lima ang apo ni tatay sa aming dalawang panganay na ate, na siyang naunang mangibang-bayan dito sa Canada. Hindi madali kina ate ang pumarito. Kinailangan pa muna nilang maging kasambahay sa Hong Kong bago nila nagkaparaang mapunta dito, bilang katulong rin. Lagpas sampung taon na iyon, kaya't sila ate ay nakapangasawa na't nagkapamilya, hanggang magpasyang kuhanin na mula sa Pilipinas sila nanay at tatay, kasama ako. Noong una'y sa isang ate nakikitira sila nanay. Sa isip nila ate, kay tatay sila magkaka-problema dahil na rin marahil sa nagisnan nilang buhay ni tatay bago pa sila mangibang-bansa. Sugal, jueteng at sabong ang kanyang "hanapbuhay." Dagdag pa rito ang kanyang naging babae. Ngunit si tatay, natural na karinyoso. Ilang araw pa lang na naririto, naging paborito na ng kanyang mga apo. Nakikipaghabulan, nakikipagkulitan, nakakapagpatulog at higit sa lahat, nakakapagpahinto kapag sinumpong ang mga bata. Sa katunayan, sa mga bata siya nakapagsanay ng kanyang mumunting Ingles. Siya man itong matanda ay siya itong tinuturuang magsalita ng mumunting dayuhang dila. Sa simula'y "Yes" at "No" lamang ang kanyang naisasagot. Pagkaraa'y nakakapagsabi na ng, "Put your shoes on." Napapagsabihan na din ang mga apo ng, "Don't, that's enough." Mga mumunting sentence na tanda ng kanyang bagong nasumpungang papel bilang lolo. Pero minsan, dumadaing siya kay nanay. Hindi niya naiiwasang magkumpara sa mga apo niya sa Pilipinas at apo niya dito. Sa atin daw, mga bata pa lang ay lumalaking may paggalang sa matanda. Namumu-po, nagmamano, at nakikinig. May takot man, dala iyon na dahil sila'y may magulang na may mas karanasan. Pero tuloy pa rin sa pag-aalaga ng kanyang mga apo. Pag naiiwang mag-isa kasama ng mga bata, nakakapagluto at napapakain sila, kahit paano di'y nasasamahan pang magbasa ng kanilang bedtime stories. Hanggang sa siya'y makapagtrabaho, na unang beses na nangyari sa kanya. Hanggang kami'y makalipat sa sariling lugar. At siya'y madalang nang makasama ng kanyang mga apo. Ilang taon na lamang, magkakaapo na din siya sa akin. Dito man sa ibang bansa siya isilang, sisiguruhin kong matututo siyang maging Filipino. Para hindi na sila mahirapan ng kanyang lolo, habang sila'y naglalaro. Jhong Cruz - GMANews.TV