ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad
Hindi paraiso ang buhay sa New Zealand
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Babala: Hindi paraiso ang New Zealand Nais ko lang magbigay ng babala sa mga kababayan natin na nagtutungo sa New Zealand sa pag-aakala na dito nila matatagpuan ang glorya na hindi nila natikman sa Pilipinas. Marami na tayong mga kababayan na nabiktima ng naglipanang recruitment/immigration agencies d'yan sa atin sa Pilipinas at nagdurusa ngayon dito sa New Zealand. Marami sa kanila ang nadaan sa sweet-talk ng agencies na ito. Halimbawa, madali raw makakuha ng trabaho, mataas ang sahod at maganda ang takbo ng pamumuhay. Sinisingil sila ng P500,000 kapalit ng tourist visa. Ang sabi sa kanila, wala nang problema pagdating sa NZ dahil maraming available na trabaho. Kapag nakakuha na sila ng job offer, madali nang mai-convert ang tourist visa nila into work permit. Kadalasang tumatagal ng isang buwan ang tourist visa sa New Zealand na ibinibigay ng immigration. Sobra raw kung i-build up ng agencies na ito ang New Zealand na tila paraiso kaya mahahalina ka talagang lumipad. Sinasabing napakadaling kumuha ng trabaho, mura ang bilihin, at maganda ang buhay. Ang sales talk pa, ang P500,000 na ginastos nila na pambayad sa pagpunta sa NZ ay mababawi kaagad sa loob lang ng isang buwan na pagtatrabaho rito. Kaya naman hindi nakapagtataka na marami sa mga kababayan natin ang nabibiktima. Pagdating nila rito, pahirapan sa pagkuha ng trabaho, at kung may makuhang trabaho, maliit naman sa sahod pero mahal ang gastos, lalo na sa upa sa bahay. Mabuti na lang may mga kababayan tayo rito na kumukupkop sa kanila. Panahon na para magising ang ating mga kababayan sa katotohanan. Napakahirap ng buhay dito â mahirap kumuha ng trabaho, at hindi totoong maluwag ang pamumuhay. Ang totoo - grabe ang discrimination dito pagdating sa trabaho. Ang mga âputi" ang priority ng employers na binibigyan ng trabaho. Ang mga may kulay tulad ng mga Pinoy, kahit qualified sa trabaho ay hindi kaagad tinatanggap dahil wala daw silang "NZ o local experience." Ito ang dahilan kung bakit marami sa mga kababayan natin na doctor, lawyer, engineer at accountants ang kung anu-ano na lang trabaho ang pinapasok para lang kumita. Hindi nila magamit ang qualification nila dahil hindi nire-recognize ng employers. Napakahirap ng buhay dahil maliit lang ang sweldo, pero sobrang laki ng tax at sobrang taas ng presyo ng mga bilihin. Mainit na usapin ngayon dito ang mababang pasweldo sa NZ kumpara sa Australia. Mahigit kalahati ang diperensya ng sahod ng magkalapit na bansa. Kung dito sa NZ ay $11 per hour ang minimum, sa Australia mahigit $20 ang minimum at mas malaki pa ang palit ng pera nila. Dahil sa napakataas na tax sa sahod na umaabot sa 25 percent bawat linggo, at mahal na bilihin at upa sa bahay, talagang literal na dumadaan lang sa kamay ang sweldo rito. At ang pinakamatindi sa lahat, sobrang higpit ng immigration dito. Dumadanas ng "torture" ang mga kababayan natin sa kamay ng mga visa officer, kung umasta akala mo sila ang Diyos. Mahilig silang maghanap ng butas para pahirapan ang mga nag-aapply. At kami rin ay kasalukuyang dumadanas ng pangmaltrato ng immigration dito. Ang negatibong impormasyon at tunay na sitwasyon tungkol sa pamumuhay sa NZ ay hindi nakakarating sa ating mga kababayan kaya marami pa rin ang lumilipad dito. Mukhang may kasabwat din ang recruitment agencies d'yan sa atin at NZ immigration dahil isa sa malaking pinagkukunan ng pondo ng gobyerno rito ay mga ibinabayad na fees ng mga nag-aapply ng visa para makapunta rito. Kaya marahil ganun na lang kung i-build up nila ang NZ upang makaengganyo ng mga Filipino. Sa totoo lang, HINDI PARAISO ang NZ. Kaya sana mabigyang babala ang mga kababayan natin na nagbabalak na dito manirahan o maghanap ng trabaho. Huwag silang maniwala sa mga nababalita tungkol sa mala-paraisong NZ. Kung gusto nilang pumunta rito upang mamasyal walang problema, ngunit kung dito maninirahan at maghahanap ng trabaho, maipapayo natin na mag-isip silang mabuti, magtanong, dahil hindi biro ang sistema rito. Maraming salamat. God bless. J.C *Si J.C. ay dating mamamahayag sa Pilipinas na nag-migrate sa NZ noong nakaraang taon kasama ang kanyang asawa at mga anak. -- GMANews.TV
More Videos
Most Popular