ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Bakit espesyal sa akin ang buwan ng Marso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kung Bakit Espesyal sa Akin ang Marso ni Genaro R. Gojo Cruz Espesyal sa akin ang buwan ng Marso dahil ito ang buwan na dumarating ang mga imbitasyon sa akin upang maging guest speaker sa graduation ceremonies. Dahil isa akong manunulat ng mga kwento, partikular ng mga kwentong-pambata, pakwento rin kung ako ay magsalita sa harap ng mga nagsisipagtapos. Syempre ikinukwento ko sa kanila ang aking mga pinagdaanan bilang isang mag-aaral, na galing ako sa aking broken family, na kakaiba ang ginawang pagpapalaki sa amin ng aking Tatay, na isa akong batang lumaki sa probinsya. Kay Tatay, tamad ka kung makikita niya na hanggang sa bahay ay nagbabasa ka o nag-aaral. Sabi niya, “Di pa ba sapat ang oras na inilagi mo sa paaralan para mag-aral?" Kay Tatay, dapat ay tumutulong na ako sa mga gawaing bahay, nagsasaing, nag-uurong, nagdidilig ng kanyang mga halamang gamot at kung anu-ano pa. Siyempre, matapang kong sasabihin sa mga nakikinig sa akin na talagang hadlang ang kahirapan sa mga gustong mag-aral. Hadlang ang kahirapan, kasi kung mahirap ka, paano ka makakapasok sa paraalan, paano ang pamasahe, paano ang pambili ng sandamukal na projects, paano ang iba’t ibang kontribusyon, paano ang mga oras ng reses. Talagang mahirap. Pero sandamukal ang paraan. Sandamukal ang solusyon na puwedeng gawin. Ang pag-iisip ng mga paraan at solusyon ang talagang aral na ating natutunan sa buhay. Ang mga ito ang talagang guro natin upang maging matatag at magkaroon ng malinaw na pangarap sa buhay. Sinasabi ko rin ang mga kapalpakan ng aking mga guro. Dahil mahirap ako at mahina ang ulo, 'di ako napagtuunan ng pansin. Kung kaya, kung sino ang first honor noong Grade 1 siya pa rin sa Grade 6. Siya at siya pa rin ang humahakot ng sandamukal na parangal. Ngunit ang tunay na nangangailangan ng tulong, 'di nabigyan ng pagkakataon. Noon nga, alam kong may talento na ako sa pagsulat. Ngunit dahil di ako honor, di ako ang naisali sa contest sa pagsulat. Kahit di naman marunong magsulat ng malikhain ang aking kaklaseng first honor, siya pa rin ang inilaban. At siya at siya pa rin ang inilalaban, taun-taon, kahit taun-taon din siyang talo. Kaya nga, matapang ko sinasabi sa kanila na 'di talaga ang amg itinuturo ng mga guro ang talagang natutunan ko, kundi ang kanilang mga kapalpakan at kawalan ng malasakit sa mga mag-aaral nilang tunay na nangangailangan. Kaya noon pa man, sinabi ko, kung magiging guro ako, hinding-hindi ko gagayahin ang kanilang ginagawa. Mas kailangan ng mahihina at mahihirap na mag-aaral ang kalinga ng kanilang guro. At ang katatagan ng aking pananalita sa harap ng mga graduates ay mawawala kapag hiniling ko na sa kanila na isabit sa kanilang mga magulang ang mababangong sampagita at medalya na kanilang tinanggap. Alam kong napupuno ng mababangong bulaklak ang puso ng bawat magulang na may anak na nakatapos ng pag-aaral. Alam kong ito ay isang pangarap na natupad para sa kanila. Higit akong matitinag kapag nakita ko na ang luha ng mga magulang. Napapansin ko rin na tila ilang ang kanilang mga anak na humalik o kaya ay magsabi ng “salamat" o ng I love you! sa kanila. Pero alam kong kahit may ilang na nararamadaman ang kanilang mga anak, sapat na ang isabit ang sampagita o medalya sa kanila upang maiparating ang taos pusong pasasalamat. At huli, pagkatapos nito, sinasabi kong ito kasi ang 'di ko nagawa sa aking mga magulang nang ako ay makatapos ng pag-aaral. Hinding-hindi ko naisabit sa kanila ang sampagitang binili ko para sa aking sarili. Hinding-hindi ko sila napasalamatan sa uri ng buhay at pamilyang nilikha nila para sa akin. Dahil sa kanila, nakilala ko ang aking sarili at ang kakayahan upang labanan at tapusin ang kahirapan. Dahil sa kanila, hinawan at nilikha ko ang sarili kong daan. Dahil sa kanila, naging responsibilidad ko ang aking sarili. Espesyal sa akin ang buwan ng Marso dahil sa buwan na ito, nakikita kong ibinabalik ng mga mag-aaral sa kanilang mga magulang ang pasasalamat at pagmamahal na kanilang natanggap. At para ko na ring napasalamatan at nasabi ang mga katagang I love You Nanay at Tatay sa aking mga magulang. Pagbati sa mga nagtapos ngayong taon! - GMANews.TV Si Genaro R. Gojo Cruz ay premyadong makata at manunulat ng kuwentong-pambata. Nagtuturo sa PNU at DLSU-Manila. Maaaring siyang sulatan sa bayanghikahos@gmail.com