ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Aksidente sa mga jeepney at modus ng pagnanakaw, tatalakayin sa 'Alisto'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
ALISTO
Airing Date: May 24, 2013

Ang mga kawatan sa panahon ngayon, tila wala nang pinipiling lugar at oras! Kahit sa mismong tahanan mo, maaari silang sumalakay at magsamantala! Tulad na lang ng ipinadalang video ni YouScooper Michelle Borlaza ng Barangay Punturin sa Valenzuela City. Noong May 12, maaga siyang umalis kasama ang kanyang pamilya. Tatlong minuto pa lang ang nakalilipas, isang di kilalang lalaki ang biglang pumasok sa kanilang compound. Kitang kita sa video na nagmasid muna ang lalaki at nagpaikot-ikot sa compound bago lumapit sa isang pintuan. Sa loob lang ng ilang segundo, lumabas ang lalaki tangan ang laptop ni Michelle na nagkakahalaga ng halos labimpitong libong piso!
 
Sa isang hiwalay na insidente, isang lalaki sa San Mateo, Rizal ang sinalakay ng holdaper sa labas ng isang tindahan ng salamin.  Magca-canvass lang sana ang biktima pero paglabas niya ng tindahan, laking gulat niya nang may lumapit na lalaki at bigla siyang tinutukan ng baril. Pilit daw nitong inaagaw ang susi ng motorsiklo para itakbo ito.  Pero bago pa ito maisakatuparan, nagawa pang agawin ng biktima ang baril mula sa suspek na kumaripas naman ng takbo at sumakay ng jeep.  Huling-huli sa CCTV kung paano pa bumaba ang suspek mula sa jeep nang maipit sa trapik.  Mapasakamay pa kaya siya ng mga otoridad?
 
Sa mga pasahero naman ng pampublikong sasakyan, maging Alisto! anumang oras.  Sa Makati Avenue noong nakaraang Linggo ng madaling araw, isang pribadong kotse ang bumangga sa isang pampasaherong jeep.  Ang mga sana'y sasakay na pasahero, nahagip sa banggaan!  Mabilis na rumesponde ang Makati Rescue at napag-alamang tatlo ang sugatan kabilang ang driver ng kotse at isang pasahero na duguan at matindi ang mga tinamong sugat at bugbog sa katawan.  panoorin kung paano nirespondehan ng Makati Rescue ang mga biktima.
 
Abangan din ang tatlong pinakamalalagim na aksidenteng nakuhanan ng CCTV ng MMDA!
 
Samahan si Arnold Clavio sa "Alisto" sa bago nitong araw at oras, Huwebes ng gabi pagkatapos ng Saksi!