Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Modus na dura-dura gang sa mga jeep, tatalakayin sa 'ALISTO'


ALISTO
Airing Date: June 27, 2013

Ngayong Huwebes sa Alisto! Ang iba’t ibang modus at aksidenteng kinasangkutan ng mga pampasaherong sasakyan!

Bukod sa mahabang pila lalo na tuwing tag-ulan at matinding trapik, hindi rin ligtas ang mga commuter sa mga kawatan.

Sa ilang video na naka-upload sa youtube, alistong nakuhanan ng ilang pasahero kung paano sinasamantala ng ilang masasamang loob ang abalang sitwasyon sa mga public utility vehicles o PUV.  Tulad na lang ng isang video kung saan  nakuhanan ng video ng isa pang pasahero kung paano nalimas ang laman ng bag ng isang pasahero ng bus! Ang biktima, walang kamalay-malay, mahimbing na natutulog habang nagaganap ang pagnanakaw!

Ilang miyembro ng pitas-hikaw at dura-dura gang, huli rin sa aktong nanlalamang sa daan! Pag-andar ng jeep, hahatakin ng kawatan ang mga hikaw sa tainga ng biktima habang ang mga dura-dura gang, maduduraan ang isang tao at magpapatulong sa biktima, hindi niya alam, ninanakawan na siya ng isa pang kasabwat na kawatan.

Abangan din ang mga kuwento ng ilang biktima ng mga modus sa sinakyan nilang taxi!  Ano ang gagawin mo kung sa gitna ng biyahe ay may biglang sumulpot na isa pang pasahero sa harapan  ng taxi na sinasakyan mo na holdaper pala?  Ang isa naman sa kanila, nanganib ang buhay matapos tumalon mula sa taxi sa takot na saktan siya ng isa pang holdaper.

Ang mga kababaihan, dapat lagi ring alisto habang nagbibiyahe. Dahil bukod sa pagnanakaw, ilang modus din ng pamboboso at pambabastos ang huling-huli on cam!

Tunghayan din ang madugong karambola ng dalawang bus, dalawang jeep, tricycle at isang motorsiklo sa San Jose Del Monte Bulacan na kumitil sa buhay ng dalawang katao.  Paano nangyari ang malagim na aksidente at paano sana ito naiwasan?

Ang lahat ng ‘yan sa Alisto! Kasama si Igan, Arnold Clavio. Huwebes ng gabi pagkatapos ng Saksi!