ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Mga karaniwang modus tuwing holiday season
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Holiday season na naman, mga Igan! Paniguradong busy na naman ang lahat sa paghahanda ng pagkaing ihahanda sa mesa at pamimili ng mga regalong ibibigay sa mga mahal sa buhay.
Ngunit sa kabila ng pagiging abala sa iba’t ibang gawaing ito, nariyan ang masasamang elementong handang pagsamantalahan ang mga inosenteng tao. Alamin ang mga modus at istilo ng panggagantso na kadalasang ginagawa ng mga kawatan sa panahon ng kapaskuhan. Tamang impormasyon at pagiging alisto ang pinakamabuting sandata laban sa mga krimen at panloloko.
1. Salisi Gang
Ngunit sa kabila ng pagiging abala sa iba’t ibang gawaing ito, nariyan ang masasamang elementong handang pagsamantalahan ang mga inosenteng tao. Alamin ang mga modus at istilo ng panggagantso na kadalasang ginagawa ng mga kawatan sa panahon ng kapaskuhan. Tamang impormasyon at pagiging alisto ang pinakamabuting sandata laban sa mga krimen at panloloko.
1. Salisi Gang

Pinangyayarihan ng krimen: mga mall at ibang pamilihan, hotel, coffee shop o restaurant
Ang modus: Karaniwang mabikas manamit ang mga taong kasangkot sa modus na ito, para hindi sila mapagkamalang mga kawatan. Pero mga igan, 'wag magpalinlang dahil ang mga suot na alahas at dalang attache case ng mga ito, pawang props lamang!
Lalapit ang mga kriminal na ito sa isang prospective na biktima at titiyempo kapag abala o may kinakausap ang biktima. Kapag distracted na ang biktima, dali-daling kukunin ng kawatan ang lahat ng gamit nito at kaswal na iiwan ang lugar.
Paano makaiiwas:
- Huwag iwanang nakabuyangyang ang gamit sa pampublikong lugar.
- Siguraduhing ang lahat ng inyong gamit tulad ng cellphone o wallet ay nasa loob ng inyong bag.
- Imbes na iwanan ang bag sa itaas ng mesa o upuan, mas mabuting panatilihin itong nasa kandungan.
2. Ipit Gang

Pinangyayarihan ng krimen: Mga mataong lugar tulad ng jeep, estasyon ng tren, shopping mall at bazaar
Ang modus: Karaniwang binubuo ng apat hanggang limang miyembro ang mga grupong sangkot sa modus na ito. Susubukan ng isang miyembro na banggain ang kanilang biktima para ma-distract ito habang kinakalikot naman ng isang kasama nito ang mga bulsa ng biktima.
Sa loob ng mga bus o tren, makikipagsiksikan ang mga kawatan para i-distract ang kanilang mga mabibiktima habang kinakalkal naman ng isang accomplice ang mga bulsa ng mga pasahero.
Paano makaiiwas:
- Huwag ilagay sa back pocket ng inyong mga pantalon o shorts ang wallet o cellphone.
- Iwasan ang paggamit ng mamahaling gadget sa pampublikong lugar.
- Siguraduhing bitbitin ang bag sa harapan ng katawan. Iwasang magdala ng backpack lalu na kung may mga dalang mamahaling bagay gaya ng cellphone o laptop.
3. Ipit Taxi Gang

Pinangyayarihan ng krimen: Mga taxi
Ang modus: Gumagamit ng pekeng taxi ang mga salarin ng modus na ito para mambiktima ng mga pasaherong maraming dalang gamit pagkatapos mamili sa mga mall o tindahan. Hindi alam ng pasahero na hindi pala gumagana ang mga lock ng pinto ng taxi.
Dadalhin ng driver ang biktima sa madilim na lugar at aarteng nasiraan. Dito, biglang papasok ang dalawang kasabwat ng driver para nakawan ang biktima.
Paano makaiiwas:
- Hangga’t maaari, 'wag sumakay ng taxi mag-isa. Mas ligtas ang sumakay nang may kasama.
- Kaysa maghintay ng taxi sa mga daan, mas mabuting tumawag na lang sa isang taxi company o pickup service kung maraming bitbit na gamit.
- Siguraduhing alam mo ang daan papunta sa iyong paroroonan. Kung hindi pamilyar ang daang pinupuntahan ng taxi driver, sabihin kaagad o magpababa na lang sa isang ligtas at mataong lugar.
4. Estribo Gang

Pinangyayarihan ng krimen: Pampublikong sasakyan
Ang modus: Pinupuntirya ng mga kriminal na sangkot dito ang mga jeepney at bus. Ipupuwesto nila ang kanilang mga sarili sa dulo ng mga pampasaherong sasakyan. Magdedeklara sila ng hold-up at isa-isang lilimasin ang mga dalang gamit ng mga pasahero ng sasakyan.
Paano makaiiwas:
- Kapag sasakay sa pampublikong sasakyan, itago ang mga gamit sa isang lugar kung saan hindi madaling makikita o makukuha ng mga kriminal.
- Sakaling nakasakay na at may magdeklara ng holdup, maingat at mahinahon na ibigay ang mga gamit. Maraming nabibiktima ng holdup ang mas nasasaktan o napapahamak dahil ayaw ng mga itong bitawan o ibigay ang kanilang mga mamahaling kagamitan. Hindi kasinghalaga ng iyong cellphone o wallet ang iyong buhay.
- Huwag tangkaing tumalon mula sa umaandar na sasakyan.
- Matapos ang insidente, makipagtulungan sa ibang pasahero para mai-report o maisumbong ang pangyayari sa mga pulis. Ibigay ang mahahalagang detalye tungkol sa inyong lokasyon at sasakyan.
5. Bukas-kotse Gang

Pinangyayarihan ng krimen: Mga parking area, daan na may mabigat na daloy ng trapiko, mga simbahan at eskwelahan
Ang modus: Dalawang magnanakaw ang karaniwang sangkot sa modus na ito. Hahanap sila ng potensyal na biktima sa isang parking lot o kalye kung saan siksikan ang mga sasakyan. Ipipilit nila ang kanilang mga sarili sa loob ng sasakyan at nanakawan ang biktima. Sa ibang kaso, pati kotse ay kukunin ng mga ito.
Paano makaiiwas:
- Panatilihing naka-lock ang lahat ng pintuan at bintana ng inyong kotse.
- Iwasan ang paggamit ng gadgets tulad ng cellphone sa madidilim na lugar dahil maaari nitong makuha ang atensyon ng mga kriminal.
- Kung may mga kahina-hinalang taong umaaligid sa iyo, madaling pumunta sa mataong lugar o tumawag na kaagad sa mga awtoridad upang humingi ng tulong.
6. Dura Boys

Pinangyayarihan ng krimen: Pampublikong sasakyan, mga terminal
Ang modus: Karaniwan itong isinasagawa ng isang grupo na may tatlong miyembro. Duduraan ng unang kasabwat ang manggas ng damit ng biktima upang i-distract ito. Habang nagpupunas ang kawawang biktima, uupo ang isa pang kasabwat sa tabi nito para magnakaw.
Paano makaiiwas:
- Iwasan ang pagsusuot ng earphones sa publiko. Marunong kumilatis ng mamahaling gadgets ang mga kriminal sa pagtingin lang sa earphones na gamit mo.
- Maging alisto sa lahat ng oras.
- Huwag mag-panic at huwag ding magpa-distract o magpagambala sakaling may dumura sa iyong tabi o may gumawa ng kakaibang kilos na kukuha ng iyong atensyon.
- Kung kahina-hinala ang mga kilos ng katabi mo sa sasakyan, humanap ng ibang mauupuan.
7. Pitas Gang

Pinangyayarihan ng krimen: Mga jeepney at tricycle
Ang modus: Pinupuntirya ng mga kawatang sangkot sa modus na ito ang mga inosenteng biktimang nakaupo malapit sa bintana ng isang pampublikong sasakyan. Ilan sa mga gamit na inaagaw ng mga ito ay mga hikaw, cellphone, bracelet at kuwintas. Dahil nakaupo ang biktima sa loob ng sasakyan, mahihirapan itong habulin ang kawatan.
Paano makaiiwas:
- Iwasan ang pagsusuot ng mga alahas na madaling hilahin.
- Iwasan din ang paggamit ng cellphone o iba pang gadget lalu na sa pampublikong sasakyan.
- Sabihan ang driver kung mayroong mga umaaligid sa sasakyan na kahina-hinala ang kilos.
– Jan Suing/CM, GMA News
More Videos
Most Popular