ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Alisto: Top 10 worst motorcycle accidents sa Davao City
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa Metro Manila, nangunguna ang mga motorsiklo sa bilang ng may pinakamaraming naitalang aksidente noong taong 2013, batay sa datos ng MMDA at Highway Patrol Group.
Pero hindi lang pala sa Metro Manila humaharurot ang mga binansagang bagong "hari ng kalsada" dahil pati sa Davao City, umaarangkada na rin sila.
Ipinalabas sa programang “Alisto” ang sampung pinakadelikadong aksidente kasangkot ang mga motorsiklo sa Davao City, base sa lakas ng impact ng aksidente at bilang ng mga nasugatan at namatay.
Paalala ng mga eksperto, defensive driving ang susi para makaiwas sa mga ganitong aksidente.
Kailangan din daw na parating may suot na helmet ang mga rider ng motorsiklo dahil ito ang poprotekta sa kanilang ulo kung sakaling humantong sa aksidente ang kanilang pagmamaneho.
Kung maaari, magsuot din ng protective gear tulad ng elbow at knee pads bilang proteksyon. Maaari ding ma-minimize ng mga ito ang impact ng mga bahagi ng iyong katawan, paraan para makaiwas sa injuries.
Kung sakaling nasa sitwasyon kung saan hindi na maiiwasan ang disgrasya, naroon pa rin dapat ang presence of mind.
Parating tandaan, mga igan: Walang katumbas na halaga ang pagiging alisto at ligtas sa peligro. Maging maingat sa daan bago pa mahuli ang lahat.
Narito ang Top 10 motorcycle accidents sa Davao City... huli sa CCTV!
#10. Motorsiklo vs. Multicab
Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagbagsak ng isang motorsiklo sa isang multicab na liliko sana pakaliwa.
Mabilis ang takbo ng motor. Inakala rin nito na hihinto ang multicab mula sa pagliko nito kaya tuluy-tuloy lang ito sa pag-arangkada.
Malakas man ang impact ng motor sa sasakyan, mabilis namang nakatayo ang driver ng motorsiklo.
#9. Motorsiklo vs. Kotse
Mabagal ang takbo ng kotse. Ngunit ang isang overspeeding na motorsiklo, nag-swerve at bumangga rito!
Kitang kita ang pagtilapon ng rider ng motorsiklo! Mabuti na lamang, mabilis na nakapreno ang sumusunod na sasakyan dito.
#8. Motorsiklo vs. Motorsiklo
Makikita sa CCTV na liliko sana pakaliwa ang isang motorsiklo nang biglang may sumulpot na isa pang motorsiklo sa kanyang harapan.
Nagsalpukan ang dalawa at tumilapon ang mga rider nito.
Pero mabilis din silang nakatayo.
#7. Motorsiklo vs. Jeep
Beating the red light ang motorsiklo base sa kuha sa CCTV, kaya tinuturing na kasalanan ng motorsiklo ang aksidente.
Tuluy-tuloy sa pagharurot ang nasabing sasakyan at hindi iniwasan ang jeep na naka-go ang signal light nang mga panahong iyon.
Nagtamo ng minor injuries ang rider ng motorsiklo pero hindi na siya nagsampa ng kaso matapos makipagkasundo sa driver ng jeep.
#6. Motorsiklo vs. SUV
Mabilis ang takbo ng motorsiklo. Nakita nito sa kanyang harapan ang SUV na noo'y pumipiit pakaliwa. Bumangga ito sa sasakyan dahil sa bilis ng kanyang takbo.
Sa sobrang lakas ng impact, nawasak din ang motorsiklo.
Kitang kita rin sa camera kung papaano namilipit sa sakit ang rider. Masuwerte naman itong nakaligtas.
#5. Multicab, kinaladkad ang motorsiklo!
Nasa tamang daan ang multicab nang bigla itong i-cut ng motorsiklo.
Nagtamo man ng minor injuries ang driver, mapalad naman ito nakaligtas sa bingit ng kamatayan.
#4. Motorsiklo vs. Tricycle
Mapapansin na naka-red signal ang traffic light nang umarangkada pa rin ang tricycle kaya tinamaan nito ang isang papalikong motor.
Pero hindi pa rito nagtatapos ang malagim na aksidente. Maya-maya, isang pang tricycle ang sumulpot at sinagasaan ang motorsiklo ng biktima!
Kitang kita sa CCTV kung papaano nagmamadaling tanggalin ng mga sakay ng tricycle ang motorsiklo na bumangga sa kanilang sinasakyan tsaka mabilis na pumuslit ang mga ito sa pinangyarihan ng aksidente.
Buhay ang rider ng motor pero hindi na nahuli ang nakabangga sa kanya.
#3. Motorsiklo vs. Pampasaherong Jeep
Sa kuha ng CCTV, makikita ang mabagal na takbo ng jeep habang patawid ng intersection nang biglang may sumulpot na isang humaharurot na motorsiklo mula sa kanyang direksyon.
Hindi raw nag-menor ang rider ng motor sa isang major street. Sa lakas ng impact, tumilapon palabas ang isang babaeng pasahero na nakaupo sa likuran ng jeep.
Kaagad namang nakatayo ang pasahero, samantalang nanatiling nakahiga sa kalsada ang rider ng motorsiklo. Masuwerte pa ring nabuhay ang rider ng motor.
#2. Motorsiklo vs. Kotse
Sa kuha sa intersection, makikita ang kotse na liliko sana pakaliwa. Makikita na naka-on ang signal light nito. Pero isang humaharurot na motorsiklo ang mabilis na sumalpok dito.
Mabilis ang dating ng motor at malinaw naman ang signal light ng kotse. Ngunit sa bilis ng takbo ng motor, hindi na ito pa nakapreno.
Tumilapon pa sa bubong at likod ng kotse ang rider bago ito bumagsak sa kalsada. Nagtamo man siya ng injuries, nakaligtas naman ang rider ng motor.
#1. Karambola ng motorsiklo, truck at tricycle
Naganap ang naturang aksidente sa J.P. Laurel Avenue. Tatawid na sana ng intersection ang truck ng biglang sumulpot ang isang humaharurot na motorsiklo sa kabilang direksyon.
Nakapreno ang truck ngunit sa kasawiang palad, hindi nakita ng tricycle ang paparating na motorsiklo, dahilan para sumalpok ito rito.
Sa lakas ng impact, nalaglag ang angkas ng tricycle sa likuran nito.
Hindi nakita sa CCTV ang nangyari sa rider ngunit base sa mga awtoridad, nasawi ang rider ng motorsiklo.
More Videos
Most Popular