ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Alisto’ tips: Paraan ng pag-iwas sa modus na riding-in-tandem


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kayo ba’y nabiktima na ng modus na riding-in-tandem? Ikuwento sa amin ang inyong karanasan o magbigay ng inyong sariling tips para makaiwas sa ganitong modus sa “Alisto” Facebook at Twitter account.

Sa panahon ngayon, pati mga modus ng mga kawatan, sumasabay rin sa pagbabago ng panahon. Kung dati’y patakbong tumatakas ang mga snatcher sa daan, ngayon pati mga motorsiklo, ginagamit na rin sa pambibiktima ng mga kawatan!

Madalas nang laman ng balita ang mga modus ng “riding in tandem,” o ang pambibiktima sa lansangan gamit ang mga motorsiklo. Sa modus na ito, dalawang magkaangkas sa motorsiklo ang pasimpleng manghihila o manghahablot ng gamit ng biktimang nakatayo o naglalakad sa daan. Ang motorsiklo ang instant getaway vehicle para agad na makatakas.

Ayon sa Philippine National Police, higit sa 3,000 kaso ng krimeng kinasasangkutan ng modus na riding in tandem ang naitala noong 2013.

Nitong Enero lamang ng taon, isang riding in tandem naman ang napatay ng mga pulis sa Quezon City matapos manlaban ang mga ito. Sa imbestigasyon, nang-hold up ang dalawang suspek ng isang gas station sa Araneta Avenue. Mas piniling makipagpalitan ng putok ang mga suspek sa mga awtoridad sa halip na sumuko.

Isang foreigner naman ang patay matapos pagnakawan ng sinasabing riding in tandem sa Barangay East Rembo sa Makati. Kinilala ang biktima na si Michael Rosendale, isang Australian national. Ayon sa pulisya, inabutan na lamang daw si Rosendale na duguan at walang buhay na nakahandusay sa kalsada.
 


Pinaiigting man ng pulisya ang kanilang operasyon laban sa mga modus na ito, ang pagiging alisto pa rin ang nangungunang sandata laban sa mga kawatang riding in tandem, mga igan! Ito ang ilang paraan para maiwasan nating mahulog sa bitag ng mga kawatang de motor.

1. Iwasang maglabas ng mahahalagang kagamitan gaya ng wallet o cellphone.
Hangga’t maaari, iwasang ilabas ang mga kagamitan sa daan, kung saan madali itong agawin ng mga kawatan. Iwanan ding maglagay ng pitaka sa likurang bulsa ng pantalon, kung saan madali itong hablutin. Kung hindi maiiwasang gamitin ang cellphone o ibang gadget, humanap ng ligtas na lugar o guwardiyadong establisimyento gaya ng fast food chain o convenience store.

2. Iwasan rin ang pagsusuot ng mamahaling alahas sa kalsada lalu na kung hindi naman kailangan. Mainit sa mata ng mga kawatan ang mga alahas tulad ng bracelet, kwintas at hikaw dahil madaling hablutin ang mga ito.

3. Panatilihing nakadikit sa katawan ang mga dalang bag.
Isa itong paraan para hindi madaling mahablot ng riding-in-tandem ang mga dala-dalahan. Siguraduhing mahigpit ang inyong pagkakahawak sa mga bag o nakakipkip ito nang mahigpit sa mga kamay o sa ilalim ng kilikili.  

4. Kung naglalakad sa mga bangketa o gilid ng kalsada, iwasang maging malapit sa daanan ng mga sasakyan lalu na kung hindi naman naghihintay ng masasakyan. Sumabay sa maraming tao o sa iyong mga kakilala sa paglalakad.

5. Kung maiiwasan, huwag nang maglakad sa lansangan kapag dis-oras na ng gabi.
Kung hindi naman maiiwasan, lihisang na lamang ang mga daang madilim at wala masyadong tao.

6. Kung sakaling tuluyan mabiktima ng riding-in-tandem, huwag nang manlaban.
Marami sa mga inire-report na riding-in-tandem, may dalang armas. May tsansang manakit pa ang mga kawatan sakaling manlaban ang biktima. Kung maaari, tandaan na lamang ang plaka ng motorsiklo na gamit ng mga kawatan at i-report kaagad ito sa pinakamalapit na presinto.

Parating tandaan, mga igan: 'Di bale nang cellphone o pera ang mawala, huwag lang ang inyong sariling buhay. — Jan Suing/CM, GMA News

Basahin ang iba pang tips ng “Alisto”
Alisto: Tamang speed limits at tamang pagtawid sa intersections
Alisto: Top 10 worst motorcycle accidents sa Davao City
‘Alisto’ crime prevention tips para sa night shift employees