ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Alisto Tips: Manatiling ligtas sa gitna ng trapiko
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Umaga ng ika-4 ng Agosto nang magkaroon ng matinding karambola ng mga sasakyan sa C5-Kalayaan Southbound. Nadamay sa pagtigil at pagdausdos ng isang trak ng buhangin ang pito pang mga behikulo. Ayon sa PNP Taguig, nagkaroon ng depekto ang trak ng buhangin habang ito'y paakyat sa C5. Sinubukan pa itong ayusin ng drayber at pahinante, ngunit kinalaunan, tuluyan pa rin itong dumausdos. Isa ang patay at siyam naman ang sugatan sa karambola.
Isa lang ito sa 50 na naitalang aksidente mula 6 AM hanggang 2 PM. sa araw na iyon. Sa ganitong pagkakataon, paano nga ba makaiiwas ang mga motorista sa pinsalang hatid ng mga aksidente sa daan?

Tuwing nagmamaneho, importanteng manatili sa tamang lane ng kalsada. Bukod sa magiging mas maayos ang daloy ng mga sasakyan, maaari ring maiwasan ang pagkadamay sa aksidente. Ayon sa siyensiya, ang daloy ng trapiko na organisado ay maituturing na laminar flow. Turbulent flow naman ang kabaliktaran nito. Mas maliit ang tsansang magkarambola ang higit sa isang sasakyan kung susundin ang tamang lane sa kalsada.
Iwasang magmaneho malapit sa malalaking sasakyan
Kailangang mag-ingat kung ikaw ay nagmamaneho kasunod ng isang malaking sasakyan tulad ng trak o bus. Iwasan ding makipag-gitgitan sa mga ito.
Gumamit ng ‘signal lights’
Kung hindi maiiwasan ang paglipat ng lane o pag-swerve, huwag kalimutang gumamit ng ‘signal lights’ upang mabigyan ng hudyat ang mga sumusunod na sasakyan. Siguraduhin ding gumagana ang iyong mga break light.
Magsuot ng seatbelt
Kung sakaling magkaroon ng banggaan, mas maiiwasan ang higit na pinsala sa katawan kung may suot na seatbelt. Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng World Health Organization (WHO) noong 2013, 40% hanggang 50% ng mga ‘front seat’ passenger ang makaliligtas sa tiyak na kamatayan dahil sa paggamit ng seatbelt. Nababawasan daw kasi ang ‘impact’ o puwersa ng pagkakabangga ng sasakyan kapag naka-seatbelt ang driver o pasahero.
Manatili sa normal driving position
Hangga’t maaari, iwasan ding yumuko, mas malaki daw kasi ang pagkakataong tumama ang ulo sa windshield kung sakaling mabangga ang sasakyan.
Iwasan ang ‘tailgating’
Iwasan ang ‘tailgating’ o ang pagmamaneho nang sobrang lapit sa kaharap na behikulo. Ayon kay Dr. Francis Aldrine Uy, direktor ng Transportation Science Society of the Philippines, may tinatawag na tatlong segundong palugit sa pagitan ng iyong sasakyan at ng sasakyang iyong sinusundan. Kung biglaan mang tumigil o masangkot sa aksidente ang iyong kaharap, may oras pa para ika’y makaiwas.
Kabilaan ang mga naitatalang aksidente sa kalsada araw-araw. Matinding trapiko ang dala nito lalo na ngayong panahon ng tag-ulan. Upang makaiwas sa aberya, sundin ang mga tamang batas-trapiko. Kung sakaling maipit sa mga sitwasyong nagbabanta sa ating kaligtasan, ang pagiging handa pa rin ang pinakamabisang sandata. —— Elise Maog/BM, GMA News
Sabay-sabay tayong matutong umiwas sa mga aksidente at kawatan! Mapapanood ang “Alisto” tuwing Lunes, 4 PM sa GMA-7.
More Videos
Most Popular