Mga insidente ng pamamaril, tinutukan ng 'Alisto'

Tampok sa Alisto ang mga aksidenteng sangkot ang mga motorsiklo at bisikleta o tinatawag na two-wheeled vehicles.
Sa CCTV footage sa Dasmariñas, Cavite nakuhanan ang dalawang magkaibigan na patawid. Habang tumatawid ang dalawa, isang motorsiklo ang biglang sumulpot at nabangga ang isa sa kanila. Ang biktima at ang rider kapwa tumilapon!
Hindi lang ang mga motorsiklo ang malapit sa peligro tuwing nasa lansangan. Ang mga bisikleta hindi rin ligtas.
Sa Cabuyao Laguna, nakatigil ang mga sasakyan sa isang tulay. Isang siklista ang dumaan sa gitna ng mga nakatigil na sasakyan. Sakto naman na may lumihis sa lane na isang tricycle kaya ang bisikleta, nasagi ng tricycle. Sumemplang ang siklista.
Magbibigay ng Alisto tips ang host ng pinakabagong karaoke game show na “All Star Videoke” na si Solenn Heussaff para maging ligtas sa kalsada ang mga siklista at rider ng motorsiklo.
Samantala, laman din ng balita nitong mga nakaraang linggo ang kaliwa’t kanang insidente ng pamamaril.
Ang ilan dito may kinalaman sa iligal na droga, samantalang ang iba-- resbak o kaya ay napagtripan lang. Sa Barangay San Nicolas II, Bacoor, Cavite, apat na lalaki ang nakatambay nang bigla silang pagbabarilin ng riding in tandem. Tinitingnan ng otoridad ang anggulo umano ng gang war bilang motibo sa pamamaril.
Paano maiiwasan ang peligro na hatid sa bawat kalabit ng gatilyo?
Sa tulong ng isang security expert, alamin kung paano magiging ligtas kapag naipit sa ganitong sitwasyon. Para sa mga magulang at guardian, alamin kung paano mapoprotekhan ang inyong mga anak.
Abangan ang lahat ng aksyon sa Alisto. Mapapanood na ngayong Martes, kasama si Igan Arnold Clavio, pagkatapos ng Saksi sa GMA. Huwag maging biktima, maging Alisto!


