Iba't ibang kaso ng pagnanakaw ng motorsiklo, tinutukan ng 'Alisto'

Isang pasaherong babae ang naputulan ng kanang braso matapos mahulog mula sa platform ng Metro Rail Transit-3 (MRT) Ayala Station sa Makati City noong Martes, November 14.
Nahilo umano ang biktima kaya nahulog sa riles ng tren. Kinabukasan matapos ang aksidente, tagumpay na naikabit ng mga doktor ang naputol na braso ng biktima. Kumusta na ang kaniyang lagay matapos ang operasyon?
Sa panig naman ng MRT paano nga ba sinisiguro ng pamunuan nito ang kaligtasan ng mga pasahero para hindi na maulit ang insidente?
Samantala, mahigit isang libong kaso ng hit and run ang naitala sa buong bansa mula Enero hanggang Setyembre ngayon taon ayon sa datos ng Philippine National Police Highway Patrol Group.
Sa Antipolo City, makikita sa kuha ng dashboard camera ang pag-overtake ng isang truck. Sa pag-overtake nito, nahagip ang katabing tricycle. Ito ang naging dahilan para bumangga naman ang tricycle sa kasalubong na jeep. Tumakas ang driver ng truck.
Isang lalaki naman ang naging biktima ng hit and run sa Quezon City. Sa kuha ng CCTV camera, isang tricycle ang huminto sa tabi ng kalsada para magbaba ng pasahero. Ang pasahero, nabundol ng SUV matapos makababa ng tricycle. Ang SUV dumiretso lang habang nagpagulong-gulong sa kalsada ang biktima.
Samantala, ilang insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo at bisikleta ang tinutukan ng Alisto. Sa datos ng PNP Highway Patrol Group, mahigit pitong libong motorsiklo ang ninakaw sa buong bansa noong nakaraang taon. Sa tala naman ng Land Transportation Office halos tatlong milyon ang rehistradong single na motorsiklo sa bansa mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon. Ayon sa otoridad isa ang mga motorsiklo sa paboritong puntirya ng mga carnapper lalo na ang mga nakaparada sa tabi ng kalsada.
Paano maiiwasan ang ganitong modus?
Abangan ang lahat ng aksyon sa Alisto. Mapapanood na ngayong Martes, kasama si Igan Arnold Clavio, pagkatapos ng Saksi sa GMA. Huwag maging biktima, maging Alisto!
