ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
18 March 2019 Episode
EDUKASYON

Nakababahala na raw ang estado ng edukasyon sa maraming bansa, kabilang na ang sa Pilipinas.

Base sa 2013 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey or FLEMMS, 90.3% o 9 sa 10 Pilipino edad 10 hanggang 64, ang functionally literate o marunong magbasa, magsulat, at magbilang.

Sa kabila nito, ayon sa World Bank noong 2018 ay mababa ang kalidad ng pagkatuto ng mga batang Pilipino tulad din sa ilang bansa.

Ayon kay Dr. Milwida Guevara, Chief Executive Officer ng Synergeia Foundation, isa sa mga nakikita niyang dahilan ay ang implementasyon ng K-12 program ng Department of Education. Bagamat mas marami nang bata ang nakapapasok sa eskwelahan, hindi nito tiyak ang kalidad ng kanilang natutuhan. Dahil din sa lawak ng K-12 curriculum, hindi na raw natutukan nang mas malalim ang pagbasa ng mga mag-aaral. Mas nakatuon na raw kasi sa dami ng mga subject o competency na dapat matalakay.

Ayon naman kay Philippine Business for Education Executive Director Lovelaine Basillote, hindi lang ang K-12 curriculum ang may problema. Isa rin sa mga problema ay ang kakulangan ng oras ng mga guro para turuan ang mga estudyante. Maliban kasi sa teaching load ay may dagdag pang administrative work ang mga guro.

Ayon kay Prof. Solita Monsod, ang usapin ng pagbasa ng mga bata ay dapat tutukan ng gobyerno. Dapat ay magtulungan daw ang mga sangay ng goberyno tulad ng mga lokal na pamahalaan, Department of Education, Department of Health, at iba pang sangay ng gobyerno.