Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Loan agreements ng China at Pilipinas, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE

8 April 2019 Episode

UTANG SA CHINA  

Mainit ngayon sa publiko ang kontrobersyal na loan agreements ng China at Pilipinas, lalo na ang 4-B Chico River Pump Irrigation Project at 12-B New Centennial Water Source Kaliwa dam project. Ilang mga opisyal ng gobyerno at maging ang publiko ay nababahala sa mga kondisyon sa mga utang na ito.

Upang mabigyang-linaw ang usaping ito, kinapanayam ni Mareng Winnie si Finance Assistant Secretary Antonio Lambino at Atty. Jay L. Batongbacal, Director ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.

Ayon kay Atty. Batongbacal, ang kasunduan sa mga utang ay mabigat para sa Pilipinas ngunit hindi raw niya masasabing ito ay “grossly disadvantageous” dahil hindi pa naman ito ipinatutupad. Para sa kanya, mabigat ang kasunduan dahil kung sakaling magkaroon ng di pagkakaunawaan, ang negosasyon ay sa Beijing at Hongkong lang maaring gawin. Ito ay dalawang lugar kung saan ang paiiralin na batas ay batas ng China. Nangangamba rin siya sa maaaring mangyari sakaling pumalya sa pagbayad ng utang sa Pinas.

Ayon kay Mareng Winnie, may  0.3% na management fee ang kasunduan sa China. Wala nito sa ibang utang na pinapasok ng Department of Finance.

Mataas din ang interes sa utang. Umaabot ito ng 2%, samantalang .08% lang sa Japan at .14% sa Korea.

Hindi ito sinang-ayunan ni Asec. Lambino dahil ayon sa kanya, hindi raw puwedeng ikumpara ang interest rates kung hindi iko-convert ang kabuuang utang sa iisang currency. Pero ayon kay Mareng Winnie, simple lang ang pagpipilian: China na may 20 taong pagbabayad at may 7 taon na grace period, o Japan at Korea na may 40 years na pagbabayad at may 10 to 12 years grace period?

Nilinaw ni Atty. Batongbacal na hindi rin puwedeng gawing collateral ang mga isla ng bansa.

Naninindigan pa rin ng DOF at ang pamahalaan na walang dapat ipag-alala dahil kaya raw naman nating bayaran ang ating mga utang.

Panoorin ang kabuuan ng diskusyon sa  Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie ngayong Lunes, 10:15 pm sa GMA NewsTV.