Island Paradise of Boracay, tutuklasin muli sa 'Biyahe ni Drew'
_2016_10_19_15_45_46.jpg)
Kapag sinabing top tourist spots sa Pilipinas, Boracay ang agad-agad naiisip ng mga turista. Kaya ito na ang naging mukha ng turismo na inihaharap ng bansa sa buong mundo. Sa Biyernes sa Biyahe ni Drew, babalikan ni Drew Arellano ang mga dahilan kung bakit natin minahal ang island paradise na ito.

Marami sa mga nakatira ngayon sa Boracay ay mga dating turista na nagpasyang dito na permanenteng manatili. Karamihan sa kanila, noong 1980s pa unang dumating dito. Kakausapin ni Drew ang ilan sa mga maituturing na pioneer ng Boracay gaya ng mga nagtayo ng Cocomangas, Real Coffee, at Happy Planet.

Matapos makipagkwentuhan sa pioneers, titikman naman ni Drew ang mga Boracay classic eats. Isa na riyan ang Chori Burger na paborito ng mga bakasyonista. At para makumpleto ang meryenda, kailangan daw partneran ng Jonah’s fruit shake. Samantala, sa Real Coffee, bestseller pa rin ang calamansi muffins. Sa Subo Resto, Filipino cuisine ang bida dahil na rin sa Filipino-inspired décor na nanggaling pa raw sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Sa huli, makikilala ni Drew ang mga taong ipinaglalaban ang pagkakaroon ng mas matitibay na batas para sa pangangalaga ng isla. Umaasa silang hindi masisira ng tuluyan ang paraisong natagpuan nila sa bahaging ito ng mundo.
Sama na sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.