Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Andap na dala ng malamig na panahon, perwisyo sa mga magsasaka ng Benguet


Kilalang pasyalan tuwing tag-init ang Benguet dahil sa magagandang tanawin at malamig na klima. Bukod dito, kilala rin ito bilang “Salad Bowl of the Philippines” dahil dito itinatanim at nanggagaling ang mga gulay at prutas na inaangkat sa Metro Manila at ilang kalapit na probinsya.



Ngunit ang malamig na klima na ipinupunta ng mga turista sa Benguet ang siya namang nagsisilbing perwisyo para sa ilang magsasaka roon.

Isa sa pinakamataas na bayan sa Benguet ang Atok. Kaakibat na ng simpleng pamumuhay ng mga residente rito ang lamig na yumayakap sa lugar halos buong taon, lalu na sa mga buwan ng Disyembre hanggang Pebrero. Kaya naman ang mga tao sa Atok, balot na balot sa pananamit , tindera man sa palengke o tambay sa kanto.

Ngunit para sa mga taga-Atok, lalu na sa mga magsasaka rito, hindi laging maituturing na biyaya ang matinding lamig. Ayon sa kanila, hindi biro ang pagtatanim kapag bumababa ang temperatura. Sa ulat ni Dano Tingcungco para sa “Brigada”, nakausap niya ang ilang magsasaka na nagsabing  kakaiba talaga ang lamig na nararanasan sa kanilang lugar ngayong buwan. "Mas malamig ngayon kaysa noong nakaraang taon," ani Mang Arnel. "Delikado ito para sa mga pananim na gulay."

Pagsalakay ng andap

Noong January 11 nitong taon, nakapagtala ng record temperature na 10.5 degrees Celsius ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services o PAGASA sa lungsod ng Baguio. Bahagya lang itong mas mataas sa record low ng lungsod na 6.1 degrees Celsius  na naitala noong January 18, 1961.

Ayon sa PAGASA, palamig nang palamig ang temperatura ng rehiyon. Kaya naman patuloy na pangamba ng mga magsasaka rito ang halik ng yelo sa kanilang mga pananim, o ang andap, na sumisira sa kanilang pamumuhay.

Ang andap o frost ay ang pamumuo ng yelo sa mga halaman at pananim. Karaniwang nangyayari ang “frosting” sa high altitude areas na katulad ng Benguet. Dulot nito ang mabilis na pagkalanta ng mga pananim.

Sa paglilibot ng “Brigada” sa mga taniman ng gulay sa Atok, kitang-kita ang mga mala-kristal na yelong bumabalot ‘di lamang sa mga damo't talahib kundi pati na sa mga pananim na gulay rito. Ganito raw ang normal na eksena kapag ganitong panahon sa lugar, ayon kay Mang Edward, isang magsasaka sa Atok.



"Mas makapal ang yelong bumabalot sa mga pananim noong dekada ‘90," ani Mang Edward. "Pero ngayon, kahit na manipis ang yelo sa tuwing frost season, iba-ibang panahon naman ito kung sumulpot."

Dahil wala namang katiyakan kung kailan darating ang andap, 'di na raw matantiya ng mga magsasaka kung kailan sila magtatanim, kaya wala raw silang ibang magawa kundi isugal ang kanilang puhunan.

Ayon sa municipal agriculturist ng Atok na si Felix Pedro, sa kabuuang 5,000 hektaryang lupa na ginagamit ng mga magsasaka bilang taniman ng gulay, humigit kumulang 7,720 square meters ng mga pananim ang nasira ng andap. Samantala, 3.1 hektarya naman ang bahagyang nasira.

Mga pananim na repolyo, patatas at Chinese cabbage ang karaniwang naapektuhan ng frost.



Naglaan na ng short-term at long-term interventions ang Department of Agriculture (DA) sa mga barangay ng apektado ng andap sa Benguet. Ayon sa mga opisyal ng DA, hindi naman daw ganoon kalaki ang suliraning dulot ng andap sa mga taniman sa Benguet, at hindi raw maaapektuhan nito ang supply ng gulay sa Metro Manila.

Naglaan na rin ang ahensya ng inisyal na pondong P5 million para makabili ang mga magsasaka ng mga kagamitan at makapag-install ng bagong irrigation systems sa lugar para maiwasan ang perwisyong dulot ng andap. Nagpadala rin ng isang grupo ng engineers ang DA para magkapagdisenyo ang mga ito ng tinatawag na step-up irrigation system upang mapabuti ang water supply sa mga taniman sa Benguet.

Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na ito, iisa lang ang saloobin ng mga magsasaka ng Atok — sa frost o andap, aandap-andap man ang kanilang pag-asa — tuloy pa rin ang kanilang pagsisikap at pagtitiyaga. – Jan Suing/CM, GMA News