Rice Tariffication Law, tatalakayin sa ‘Brigada’
BRIGADA

February 26, 2019
8 pm sa GMA News TV

BUHOL-BUHOL NA PROBLEMA
Buhol-buhol ang nakaambang peligro ng ilang komunidad dito sa Metro Manila dahil sa sala-salabat na mga kawad ng kuryenteng matatagpuan sa kanilang lugar.

At dahil nakalambitin na sa kanilang mga kabahayan, may ilang mga residenteng ginawa na itong sampayan, gawaing lubhang mapanganib dahil sa kuryenteng dumadaloy sa mga kawad na ito.

Pinuntahan ni Cesar Apolinario ang mga lugar na may mala-spaghetting kawad ng kuryente.

UNLI IMPORT
Ganap na batas na ang RA 11203 o ang Rice Tariffication Law na nagtatakda ng unlimited na importasyon ng bigas sa ating bansa. Ito ang nakikitang solusyon ng gobyerno para mapababa ang presyo ng bigas sa merkado.

Pero para sa mga kababayan nating magsasakang hirap na nga sa buhay, unti-unti nitong papatayin ang kabuhayan dahil sa paglaganap sa mga pamilihan ng imported na bigas. Siniyasat ni Mariz Umali ang mga detalye ng bagong batas na ito.

FACT OR FAKE: TROLL FARM OPERATIONS, IBUBUNYAG!

Umiinit na ang pangangampanya ng mga pulitiko gamit ang iba’t ibang plataporma kasama na ang social media. At ang ilan, nagbabayad ng malaki para mapabango lang ang kanilang pangalan sa social networks.

Sa isang pambihirang pagkakataon, nakapanayam ni Joseph Morong ang namamahala ng isang troll farm na ginagamit ng ilang mga pulitiko sa kanilang kampanya ngayon Ibubunyag niya kung gaano ka-organisado ang bayarang trolls upang masigurong magiging matunog ang pangalan ng kanilang mga kliyenteng pulitiko.
