Marilao-Meycauayan River rehabilitation, tatalakayin sa 'Brigada'
Brigada

April 9, 2019
BYA-HERO
Isa sa mga madalas puntahan tuwing tag-init ang Matabungkay Beach sa Batangas dahil sa lapit nito sa Metro Manila. Dinarayo rito ang kanilang floating cottages kung saan ka pwedeng mag-boodle fight at mag-relax. Pero aminado ang lokal na pamahalaan na sa floating cottages na ito rin mismo nagmumula ang ilang dumi at basurang napupunta lang sa tubig. Ang mga sitwasyong tulad nito ang target ng grupong Save Our Seas na tumutungo sa mga tanyag na tourist spot at nagsasagawa ng mga clean up drive. Sumama sa kanila si JP Soriano sa paglilinis ng Matabungkay.
ILOG MARILAO
Malaking bahagi ang ginagampanan ng Ilog Marilao sa mga Bulakenyo. Bukod sa mahalagang papel nito sa kasaysayan ng kanilang bayan, dito rin nagmumula ang ikinabubuhay ng mga nakatira sa kahabaan ng ilog. Pero sa paglipas ng panahon, tila nawalan na ito ng buhay at napabilang pa sa tatlumpung pinakamaruruming lugar sa mundo ayon sa Blacksmith Institute ng Amerika. Binaybay ni Bam Alegre ang Ilog Marilao para malaman kung may pag-asa pa nga bang manumbalik ang buhay sa makasaysayang ilog.
FACT OR FAKE: SWIMMING MYTHS
Dahil tila painit ng painit ang lagay ng panahon, marami ang nagpaplanong magpalamig sa pamamagitan ng pagsu-swimming. At tiyak maririnig na naman natin ang ilan sa mga walang kamatayang swimming myths tulad ng pag-ihi sa nadikyang bahagi ng katawan, paglublob sa tubig na busog ang tiyan, at pag-jingle sa pool na pinagsu-swimmingan. Inalam ni Joseph Morong kung alin nga ba sa mga swimming myths na ito ang fact or fake.