Axie Infinity, Pinoy beatboxers at batang tila hindi buo ang mukha, itatampok ng Brigada!

AXIE INFINITY
Ito na ang bagong kinababaliwan ng mga online gamers ngayon -- ang Axie Infinity. Sa unang tingin, mukhang pambata ang laro dahil sa makukulay at cute na cute na characters nito. Pero hindi lang ang gameplay ang bentahe nito sa gamers, kundi ang laki ng kitaan sa paglalaro nito. May ilang kumikita ng halos 30,000 piso sa dalawa hanggang tatlong oras lang na paglalaro! Inalam ni Vonne Aquino kung paano nga ba ang diskarte sa ganitong mga play-to-earn na klase ng online games lalo ngayong naghahanap ng pagkakakitaan ang ilan ngayong pandemya.

BABY NASH
Dalawang buwang gulang pa lang ang sanggol na si Nash, subalit mabigat na pagsubok na ang kanyang pinagdaraanan. Tila hindi kasi nabuo ang kanyang mukha at ang kanyang ulo, hindi rin pangkaraniwan ang hugis at hitsura. Dahil sa kanyang kondisyon, hirap siyang pakainin kaya naman apektado ang kanyang kalusugan at unti-unti ngayong nanghihina. Sa kabila ng lahat ng nito, patuloy pa rin siyang lumalaban. Nasaksihan ni Kara David ang pinagdaraanang pagsubok ni Baby Nash.

BEATBOX CHAMPS
Pinanganga ng tubong Davao na si Neil Llanes ang mga hurado't manonood sa sinalihan niya noong talent show kung saan ipinamalas niya ang kanyang bangis sa beatboxing. Sa isa pa nga niyang pagsalang, umabot sa sampung magkakaibang tunog ang kaya niyang palabasin sa kanyang bibig para gumawa ng isang malupit na beat. Ang tagumpay na ito ni Neil ang layon ngayong makamit ng tinaguriang beatbox princess na si Zipporah na sa kanyang husay ay gumagawa na rin ngayon ng sarili niyang pangalan dahil sa mga ipino-post niyang beatbox videos online na nagva-viral! Front row seat sa showdown ng dalawang matinding beatboxers si Aubrey Carampel.

Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.