Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Brigada

Pinakamaanghang na sili sa buong mundo, itatampok sa Brigada!


 


SILI KINGS
Para sa ilan, hindi sapat ang asin, paminta, o toyo para panimpla sa kanilang mga lutong pagkain o sawsawan. Iba pa rin kasi ang ulam kung may kaunting sipa, at nabibigay lamang ito kung gagamit ng sili! Dito sa Pilipinas, siling labuyo na marahil ang pinakakaraniwang klase ng sili na matatagpuan sa ating mga kusina. Pero ang restaurant owner na si Wilson, tila bitin pa sa anghang na nakukuha niya sa labuyo, at ngayo'y may sarili nang taniman ng pinakamaanghang na sili sa buong mundo -- ang Carolina Reaper! Kahit pa aminadong mahilig din mismo sa maaanghang na pagkain, kakasa kaya si Mariz Umali sa extra hot challenge na pagtikim ng Carolina Reaper?

 


LUNOK
Palagiang may paalala ang mga produktong may maliliit na piraso na iwasang maabot ito ng mga sanggol at bata. Pero may mga pagkakataong hindi maiiwasang nakalulusot ito at napapasakamay pa rin ng mga bata, lalo pa't ito ang edad na mausisa sila sa mga bagay sa kanilang paligid. Ganito ang nangyari sa anak ni Angel na hindi inakalang ang simpleng pagpunta lang nilang mag-ina sa isang milk tea shop ay magreresulta sa isang trahedya. Ang anak niya kasing si Kenji, aksidenteng nakadampot ng isang push pin sa tindahan at nalunok ito, na kalauna'y bumara sa kanyang bituka. Inalam ni Victoria Tulad kung paano mapanatiling ligtas ang mga lugar na pinaglalagian at ginagalawan ng ating mga anak.

 

 
BATA PA SI NANAY
Sa edad na 15 taong gulang, maagang namulat si "Anna" sa responsibilidad ng pagiging isang ina. Nabuntis kasi siya ng nobyo niyang apat na taon ang tanda sa kanya. Bagamat hindi naman nagsisisi sa pagdating ng munti niyang anghel sa kanyang buhay, may panghihinayang pa rin siyang nararamdaman dahil hindi niya lubusang naranasan ang kanyang kabataan. Ang mga kagaya ni "Anna" ang nais maprotektahan ng panukalang batas na naglalayong itaas ang edad ng sexual consent dito sa bansa. Ibig sabihin, kung dati ang pakikipagtalik sa 12 anyos pababa lamang ang maaaring maituring na rape o panghahalay, kapag tuluyang naisabatas, masasaklaw na nito ang edad 16 taong gulang pababa. Siniyasat ni Lala Roque ang mga isyu ng teenage pregnancy at age of sexual consent dito sa ating bansa.
 

 

Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.

Tags: brigada