Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

‘Bagong Karera’ ngayong Linggo sa ‘Stories of Hope’


 

 

STORIES OF HOPE: “BAGONG KARERA”
July 25, Linggo ng hapon, 4:35 PM sa GMA

 

Sila ang mga entertainer, dancer, singer at comedian na humanap ng paraan para magkaroon ng negosyo at trabaho dahil sa pandemiya. Hindi naging madali ang kanilang tinahak na pagsubok pero hindi sila nawalan ng pag-asa.

WOWIE DE GUZMAN

Isa sa mga tanyag na miyembro ng grupong Universal Motion Dancers si Wowie De Guzman na sumikat noong dekada nobenta. Mula sa pagiging dancer pinasok niya rin ang mundo ng telebisyon at pelikula bilang aktor.

 

 


 


Taong 2012 nang magpakasal si Wowie sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Sherryl Ann Reyes. Pero noong 2014 makalipas ang isang buwan matapos ipanganak ni Sherryl ang kanilang anak, binawian siya ng buhay. Mula noon mag-isang itinaguyod ni Wowie ang kanilang anak.

 



Dahil likas na may angking talento sa pagsayaw si Wowie, naisip niyang magturo ng Zumba at naging licensed Zumba instructor noong 2018. Pero noong magsimula ang pandemiya natigil ang zumba session ni Wowie. Isa sa naisip niya ang Zumba online dance tutorial na hanggang sa kasalukuyan patuloy niyang ginagawa.

 


ANTON DIVA

Ang kilalang impersonator ni Regine Velasquez na si Anton Diva, dating stand up comedian sa mga comedy bar kung saan ipinamamalas niya ang kanyang talento sa pagkanta sa saliw ng mga awitin ng songbird. Pero nang magsimula ang pandemiya natigil din si Anton sa paghahanapbuhay kaya humanap siya ng paraan para kumita.

 


Ang nakita niyang paraan para magkaroon ng hanapbuhay - ang paggamit ng live streaming kung saan doon siya kumakanta at nag-stand up comedian. Kahit hindi niya nakikita ang mga mukha at ang pagpalakpak ng kaniyang viewers, nararamdaman naman daw niya ito sa mga tinatawag na “virtual hugs, clap at smile” na ipinaparating sa kanya habang ginagawa niya ang live streaming. Kumikita siya sa mga ipinapadalang pera ng mga viewers sa kanyang account dahil humahanga sila sa kanyang talento sa pagkanta at natutuwa rin sila sa masayang pakikipag-usap sa kanila ni Anton.

 

 

Hindi nawawalan ng pag-asa si Anton dahil naniniwala siyang babalik din sa normal ang sitwasyon sa tulong ng ating Panginoon.

 


WILMA DOESNT

Taong 2013 nang pansamantalang tumigil sa pagmo-modelo at paglabas sa telebisyon ang komedyanteng si Wilma Doesnt dahil ipinagbubuntis niya noon ang ikatlong anak. Kasama ang partner niyang si Gerick Parin na dating cook sa barko, itinayo naman nila ang kanilang restaurant noong 2019 sa Gen. Trias, Cavite. Pero nang mangyari ang pandemiya humina ang kanilang kita at pinagtiyagaan  nilang mag-deliver ng mga ibinebenta nilang ulam sa kanilang mga customer. Makalipas ang isang taon unti-unti nilang naibangaon ang restaurant.

 


Nito lamang buwan walang kalaam-alam si Wilma na nakahanda nang mag-propose si Gerick sa kanya. Kaya laking-gulat ni Wilma nang ipakita sa kanya ang singsing. Maraming pinagdaanang pagsubok si Wilma pero hindi raw siya sumusuko dahil naniniwala siyang dapat ituloy lang ang laban dahil habang may buhay may pag-asa!

 

 


 


Alamin ang mga pagsubok na kanilang tinahak at nilampasan sa ‘Bagong Karera’ sa Stories of Hope, ngayong Linggo, 4:35 PM, July 25 sa GMA-7!