Kilalanin ang mga Super Tatay, sa handog ng Front Row sa Father's Day
Ama, itang, tatay, pops, daddy o papa -- ano pa man ang itawag, may isang imaheng naglalarawan o kumakatawan sa kanila – sila ang matibay na haligi ng bawat tahanan. Bagamat maraming kababaihan na ang tumutulong sa pagtatrabaho katuwang ang kanilang kabiyak, ang padre de pamilya ang madalas inaasahang magbanat ng buto para buhayin ang kanyang pamilya.
Kung dati’y may mga trabahong madalas iugnay para sa mga Eba lamang, ngayon, may mga gawaing pinasok na rin ni Adan upang masigurong masuportahan ang kanyang mag-anak.
Sa isang salon, hindi lamang hairdresser kundi make-up artist din ang trenta’y uno anyos na si Wilson. Labingdalawang taon na itong trabaho ni Wilson. Hindi bale na siyang minsa’y kutyain o pagtawanan, pero ang trabahong ito ang nagpaaral at nagtaguyod sa kanyang apat na anak at nakapagpundar ng sarili nilang bahay. Si Cris naman, mahigit isang dekada na sa pagkusot-piga ng tambak na labada at walang puknat ang kamay niya sa pagplantsa. Balewala rin ito sa kanya, disente at marangal lamang niyang maitawid ang mga pangangailangan ng kanyang kabiyak at limang anak.
Ngayong Sabado, bilang pagpupugay sa mga dakilang ama, kilalanin silang mga Super Tatay, sa espesyal na handog ng Front Row ngayong Sabado, 9:45 PM, June 15 sa GMA News TV.