Inihahandog ng Front Row: Ulilang Lubos
Sa edad na sampung taong gulang, mabigat ang responsibilidad na ginagampanan ni Princess. Panganay sa apat na magkakapatid, siya ang tumatayong padre de pamilya at ilaw ng tahanan.
Maaga pa lang gumigising na si Princess para magbanat ng buto. Sa talipapa hindi kalayuan sa kanilang bahay ang una niyang destinasyon. Kapalit ng lima hanggang bente pesos, tumutulong siya sa paghuhugas ng mga gamit at paninda ng mga tindera sa palengke. Pagkatapos nito, diretso naman siya sa pangangalakal. Kasama ang pangalawang kapatid na si Ando, walong taong gulang, pinaghihiwalay nila ang mga nakolektang kalakal na puwede pang ibenta. Ang kapalit ng maghapong pangangalakal, singkuwenta hanggang sitenta pesos na kita. Ang kitang ito ang pinagkakasya nila para ipambili ng makakain sa maghapon. Pagdating sa bahay, abala naman si Princess sa paglilinis, pagluluto, paghahain, pagpapaligo at pag-aalaga sa kanyang tatlong kapatid. Ulila sina Princess. Iniwan sila ng kanilang ina ilang taon na ang nakararaan at hindi tiyak kung buhay pa siya. Ang kanilang ama naman, namatay noong mas bata pa sila. 
Tunghayan ang kuwento ng mga "Ulilang Lubos" na ginagawa ang lahat upang makapamuhay nang maayos at malagpasan ang hikahos nilang pamumuhay ngayong Sabado sa Front Row, 9:45 PM sa GMA News TV.