Lolong walang paningin, patuloy na naghahanapbuhay
Inihahandog ng Front Row : “Lolo Achilles"

Ice drop vendor sa umaga, masahista sa tanghali at balut vendor sa gabi. Ito ang buhay ni Achilles Besin o Lolo Kile, 62 taong gulang. Dalawang taong gulang siya noon nang tuluyang mabulag.

Pero hindi ito naging hadlang sa kanya para magbanat ng buto at maghanapbuhay. Kumakayod siyang mag-isa sa pamamagitan ng paglalako ng ice drop sa kanilang lugar sa Bacacay, Albay. Nagmamasahe rin si Lolo Kile sa kanyang mga kapitbahay bilang pandagdag sa kanyang kita. Pagsapit naman ng gabi mag-isa niyang inilalaga ang mga balut na ilalako niya sa mga karatig bayan.

Gamit ang kanyang tungkod bilang gabay sa paglalakad sinusuyod niya ang mga kabahayan para ilako ang kanyang paninda. Sa talas ng kanyang pakiramdam, tila hindi maiisahan si Lolo Kile sa pagsusukli dahil alam niya ang bawat denominasyon ng perang ibinabayad sa kanya.

Sundan ang nakamamanghang buhay ni Lolo Achilles ngayong Lunes, August 15 sa Front Row pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.