Mga binatilyong nangunguha ng tamilok, tampok sa 'Front Row'

Tatlong beses sa isang linggo kung magtungo sa isang bakawan sa Barangay Buenavista, Puerto Prinsesa, Palawan ang magkapatid na Adrian, labing-anim na taong gulang at Andy, labing-apat na taong gulang. Pakay nila rito ang mga natumbang puno. Sa loob kasi ng mga ito makukuha ang tamilok, isang uri ng woodworm.

Naibebenta nila ito sa halagang isang daang piso kada baso. Itinuturing itong local delicacy sa Palawan. Pero pahirapan na ang pagkuha ng tamilok sa mga panahong ito. May pagkakataon daw kasi na may mga dayo na kumukuha na rin ng tamilok sa kanilang lugar.

Kahit payat ang pangangatawan ng magkapatid, batak na sila sa ganitong hanapbuhay. Malapit na kasi ang pasukan kaya kailangan nilang mag-ipon para may maipambili ng gamit.

Salutatorian sa elementarya si Adrian, kaya kahit mahirap ang buhay, desidido siyang makapagtapos.
Abangan ang kanilang kuwento sa dokumentaryang “Boy Tamilok” sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist: Front Row, ngayong Lunes ng gabi, June 5, 2017 pagkatapos ng Saksi sa GMA7.