Guro na nagsusuot ng costume habang nagtuturo, kilalanin sa 'Front Row'
“HERO KO SI MA’AM”
August 6, Lunes ng gabi, pagkatapos ng Saksi sa GMA

Mula Darna, Mulawin hanggang Encantadia. Pati ang pagiging diwata, kuba at mangkukulam – ginaya na ni Teacher Aileen.

Sa bayan ng Binangonan, Rizal, kakaiba ang kanyang istilo ng pagtuturo. Inilunsad ni Teacher Aileen Doblada ang Project LAMPARA o Linangin ang mga Aralin sa Masining na Pagkukwento, Angat na Resulta'y Abutin. Proyekto kung saan nagsusuot siya ng iba't-ibang costume habang nagtuturo ng leksyon. Sa paraang ito, mas nakukuha raw niya ang atensyon ng mga bata at mas nahihikayat silang mag-aral.

Bukod sa loob ng silid-aralan, lumilibot din siya kasama ang mga kapwa guro at ilang magulang para magturo sa mga liblib na lugar sa Rizal.

Sa paraang ito, natuturuan niya maging ang mga batang hindi nakakapasok sa eskwela. May feeding program din silang isinasagawa at namimigay ng mga libreng aklat sa mga bata.

Dalawampu’t apat na taon na siyang nagtuturo sa pampublikong paaralan. Minsan na ring siyang pinarangalan bilang outstanding grade 1 sa buong probinsya ng Rizal.

Mamangha sa kwento ni Teacher Aileen sa dokumentaryong “Hero ko si Ma’am”, sa "Front Row" ngayong Lunes ng gabi, August 6, 2018 pagkatapos ng Saksi sa GMA.