Tatlong magkakapatid na may polio, tampok sa ‘Front Row’

September 30, Lunes ng gabi, pagkatapos ng Saksi sa GMA
Sa isang baryo sa Victoria, Tarlac, nakilala namin ang magkakapatid na Raiz – sina Rudy, apatnapu't anim na taong gulang, Jessie, tatlumpu't siyam na taong gulang at Dominador, tatlumpu't pitong taong gulang. Lahat sila hindi makalakad, lumiliit ang mga binti at tila walang pakiramdam ang kanilang mga binti at paa. Dekada na ang lumipas ng isa-isa silang tamaan ng sakit na polio.
Tanging ang kanilang mga saklay na bakal ang nagsisilbi nilang mga paa, mga pader ang kanilang kinakapitan para makatayo at mailakad ang kanilang mga binti.
Noong buhay pa ang kanilang mga magulang, paniwala raw ng kanilang ina na sumpa ng dating kasintahan ang dahilan ng pagkalumpo ng magkakapatid. Pero ang kapitan sa kanilang barangay, kontamidong tubig ang sinisising sanhi ng kanilang kapansanan. Sila nalang ang natitirang buhay sa limang tinamaan ng polio. Sa ngayon, tanging ang mga kapitbahay na lang nila ang inaasahan nilang tagapag-alaga at nahihingian ng pagkain. Pero kapag walang natatawag na kapitbahay, pinipilit ni Rudy na asikasuhin ang kanyang dalawang kapatid.
Ano nga kaya ang naghihintay na bukas para sa kanila? Gaano kaya sila makakatagal sa kanilang paang bakal?
Tunghayan ang kanilang kuwento sa Front Row, Lunes ng gabi, September 30, 2019 pagkatapos ng Saksi.